527 total views
Ikinalungkot ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang muling paghain ng panukalang diborsyo sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Nanindigan si Father Jerome Secillano, Executive Secretary ng CBCP Public Affairs Committee na lalong makasisira sa pundasyon ng pamilya ang diborsyo.
Ito ang tugon ng opisyal sa paghain ni Albay Representative Edcel Lagman sa House Bill No. 78 o “Absolute Divorce Act” sa paniniwalang ang diborsyo ay karapatan ng kababaihan.
“It’s unfortunate that some legislators would rather focus on breaking marriages than fixing them or strengthening marital bond,” pahayag ni Fr. Secillano sa panayam ng Radio Veritas.
Iginiit ng pari na dapat pagtuunan ng mga mambabatas ang mga programang makatutugon sa tunay na suliranin ng bansa tulad ng kahirapang pinalala ng pandemya at iba’t ibang suliraning labis ang epekto sa ekonomiya.
Binigyan-diin ni Fr.Secillano na hindi makatarungang unahin ng mga opisyal na halal ng bayan ang mga batas na sumisira sa pamilya sa halip na pagbuklurin at tulungang makabangon sa kahirapang naranasan.
“To think that Filipinos are embroiled in much bigger problems, the likes of (Rep. Edcel) Lagman are busy advancing their irrational advocacies instead of legislating policies that will thumb down the negative impacts of unrelenting oil price increase, inflation, fare hike, unemployment and COVID-19,” giit ni Fr. Secillano.
Magugunitang sa 17th Congress isinulong din ang Absolute Divorce ngunit nabinbin sa Senado, muling isinulong ni Lagman sa 18th Congress subalit nanatili lamang sa Committee on Appropriations kung saan naitala ang huling deliberasyon ng House Technical Working Group noong Marso 2020.
Mariing tinututulan ng simbahan kasama ang pro-life groups ang panukalang diborsyo na kabilang sa DEATH Bills sapagkat labag ito sa kautusan ng Panginoon lalo na sa pagpapatibay sa pundasyon ng pamilya.
Naniniwala si Fr. Secillano na ang hakbang sa muling pagsusulong ng dibosryo ay pagsasantabi sa higit na pangangailangan ng mga Pilipino at pabor lamang sa ilang indibidwal na nagsusulong nito.
“The unreasonable penchant of these legislators to the divorce bill while we are reeling from economic devastation tells me that it’s no longer about helping Filipinos rise up from economic poverty but a matter of pride and subservience to whoever is behind this measure,” ayon pa ni Fr. Secillano.
Sa kasalukuyan bukod tanging sa Pilipinas at Vatican City lamang nanatiling iligal ang diborsyo.