492 total views
Hiniling ng Archdiocese of Zamboanga sa mamamayan na ipanalangin ang katatagan ng bawat pamilyang Pilipino.
Sinabi ng tagapangasiwa ng arkidiyosesis na si Bishop Moises Cuevas na nahaharap sa iba’t-ibang banta ng pagkasira ang mga pamilya sa bansa dahil na rin sa epekto ng social media.
“We pray for all families, especially Filipino families, that may be guided by the holy spirit to live in unity, in joy, in love, and be strengthened by the holy spirit because our families are under siege and under attack because of the proliferation of immoral values, especially on social media,” bahagi ng pahayag ni Bishop Cuevas.
Ang pahayag ng obispo ay kasabay ng paglunsad ng arkidiyosesis ng local 10th World Meeting of Families na gaganapin sa Roma sa June 22 hanggang 26.
Dalangin ni Bishop Cuevas ang ikatatagumpay ng pagtitipon sa Roma kasama ang Kanyang Kabanalan Francisco at umaasang magdudulot ito ng higit na pagtibay ng samahan ng mga pamilya sa mundo.
Ipinagdarasal ng obispo na sa tulong ng Espiritu Santo ay maging matatag ang bawat pamilya laban sa mapanirang gawain na lantad ngayon sa lipunan.
“We pray to the Holy Spirit to strengthen the bond of the family, especially as abortion, broken families, divorce, and many others threaten to destroy the sanctity of our families,” ani Bishop Cuevas.
Tema ng World Meeting of Families ngayong taon ang ‘Family Love: A vocation and a path to Holiness” Spirituality: The Domestic Church and Synodality.’
Pangungunahan ni Parañaque Bishop Jesse Mercado – pangulo ng CBCP Family and Life ang delegasyon ng Pilipinas na dadalo sa pandaigdigang pagtitipon.
Ang World Meeting of Families ay ginanap tuwing ikatlong taon subalit naantala ito dahil sa pandemya habang 2003 naman ng ganapin sa Pilipinas ang ikaapat na pagtitipon na dinaluhan ng libu-libong mamamayan.