832 total views
Tiniyak ng Diocese of Novaliches ang pakikibahagi ng diyosesis sa ipinatutupad na pag-iingat ng pamahalaan mula sa pinangangambahang pagkalat ng Delta variant ng COVID-19 virus sa bansa.
Sa pamamagitan ng isang liham sirkular ay inanunsyo ni Novaliches Bishop Roberto Gaa ang pansamantalang pagsususpendi ng pagsasagawa ng public masses sa buong diyosesis mula ika-31 ng Hulyo hanggang ika-20 ng Agosto.
Nasasaad sa Circular 2021-09 ang pagsasagawa ng virtual masses sa buong diyosesis kung saan hinihikayat ang lahat na makibahagi sa pamamagitan ng pagsubaybay sa Online Livestreaming ng mga banal na misa ng iba’t ibang mga parokya sa diyosesis.
Ayon kay Bishop Gaa, ang naturang hakbang ay bilang tugon na rin sa implementasyon ng General Community Quarantine with heightened restrictions sa National Capital Region mula ngayong ika-30 ng Hulyo hanggang ika-5 ng Agosto na mas higit namang hihigpitan pa sa pagsasailalim sa NCR sa dalawang linggong Enhanced Community Quarantine (ECQ) mula ika-6 hanggang ika-20 ng Agosto bilang pag-iingat mula sa banta ng Delta variant ng COVID-19.
Bukod sa pagsusupendi ng public masses sa buong diyosesis, inihayag rin ni Bishop Gaa ang pansamantalang pagpapaliban sa nakatakdang Diocesesan Clergy Renewal at Chrism Mass sa diyosesis na nakatakda sana sa ika-3 at ika-4 ng Agosto.
Hinikayat naman ng Obispo ang bawat mananampalataya na samantalahin ang dalawang linggong implementasyon ng ECQ sa National Capital Region upang manalangin at magdasal ng Santo Rosaryo para sa kaligtasan ng lahat at upang tuluyan ng mawakasan ang COVID-19.