339 total views
Pansamantalang sinuspendi ng Prelatura ng Batanes ang pagsasagawa ng mga pampublikong banal na misa sa prelatura matapos na makumpirma ang isang kaso ng COVID-19 sa probinsya.
Ayon kay Batanes Bishop Danilo Ulep, epektibo ngayong araw ika-11 ng Hunyo, 2021 ay pansamantala munang ititigil ang pagsasagawa ng mga pampublikong banal na liturhiya bilang pag-iingat sa pagkalat ng COVID-19 virus.
Paliwanag ng Obispo, mahalagang kagyat na magpatupad ng mas mahigpit na pag-iingat ang lahat at patuloy na sumunod sa mga ipinatutupad na safety health protocols upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa probinsya.
Nanawagan naman si Bishop Ulep sa mamamayan na manatiling kalmado at antabayanan ang mga susunod na balita at impormasyon matapos na matukoy ang nasabing kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Bayan ng Basco.
“Effective today June 11, I am hereby suspending the conduct of public masses in Batanes until further notice , due to the confirmed case of COVID 19 infection in Basco. Let us remain vigilant and safety conscious by strictly observing all health and safety protocols. Please standby for further development.” pahayag ni Bishop Ulep na ibinahagi sa Radio Veritas.
Ayon sa Provincial Government of Batanes kasalukuyan ng naka-isolate sa COVID Isolation ng Batanes General Hospital ang 54 na taong gulang na babae na residente ng Bayan ng Basco na nakaranas ng pananakit ng tiyan, pagsusuka, lagnat, kawalan ng gana sa pagkain at pananakit ng katawan.
Nagsasagawa na rin ng contact tracing ang pamahalaang pamprobinsya ng Batanes upang matukoy ang mga nakasalumuha ng pasyente na wala ring travel history” sa labas ng probinsiya at wala ring contact sa isang suspect at positive case ng COVID-19.
Dahil dito, pinapayuhan ng Provincial Government of Batanes ang lahat ng mga mamamayan nna manatili sa kani-kanilang mga tahanan habang patuloy pang sinusuri ang posibilidad ng “Community Transmission” sa probinsya.
Sa kasalukuyan nagpapatuloy ang isinasagawang vaccination roll-out program sa Batanes kung saan batay sa 2018 data ng Philippine Statistics Authority (PSA) nasa mahigit 17-libo ang bilang ng populasyon sa Batanes at target ng Provincial COVID-19 Task Group na mabakunahan ang nasa 14-libong indibidwal upang makamit ng probinsya ang herd immunity mula sa COVID-19.