529 total views
Pansamantalang ipinatigil ng Arkidiyosesis ng Maynila at mga Diyosesis ng Pasig, Parañaque at Kalookan ang pampublikong pagdiriwang ng mga banal na misa simula ngayong araw ika-22 ng Marso hanggang ika-4 ng Abril, 2021.
Ito’y pagtalima sa inilabas na panuntunan ng Inter-Agency Task Force na ipagpapaliban sa loob ng dalawang linggo ang iba’t-ibang pampublikong pagdiriwang hanggang ika-4 ng Abril upang mahinto ang paglaganap ng COVID-19.
Bagamat ipinagbabawal muna ang mga pagtitipon, matutunghayan pa rin sa pamamagitan ng livestream ang mga banal na Misa lalo’t higit ang paggunita ng Semana Santa.
Nakasaad naman sa liham sirkular na inilabas ni Parañaque Bishop Jesse Mercado, hinihikayat nito ang mga mananampalataya na ipanalangin ang tuluyang paghupa ng pangkalusugang krisis na lubos nang nagpapahirap sa bansa.
“I am encouraging all of you to pray to the best of your ability for the resolution of this crisis,” bahagi ng pahayag ni Bishop Mercado sa kanyang liham sirkular.
Naunang nagdeklara ng dalawang linggong lockdown ang Diyosesis ng Novaliches at Cubao sa mga nasasakupang parokya at mga kapilya nito.
Read: https://www.veritas846.ph/lahat-ng-simbahan-sa-diocese-ng-novaliches-isasailalim-sa-lockdown/