406 total views
Pansamantalang sinuspendi ng Archdiocese of Jaro ang pagsasagawa ng pampublikong pagdiriwang ng Banal na Liturhiya sa buong arkidiyosesis kasunod ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Iloilo City.
Sa isinapublikong anunsyo ng arkisiyosesis sa pamamagitan ng Facebook page ng Archdiocese of Jaro, Commission on Social Communications ay inihayag ng pamunuan ng arkidiyosesis na magsisimula ang suspensyon ng mga public liturgical celebration sa buong syudad sa ikatlo ng Hunyo na magtatagal hanggang sa ika-15 ng buwan.
Ang naturang desisyon ni Jaro Archbishop Jose Romeo Lazo ay kasunod ng pagpapalawig sa implementasyon ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa Iloilo City hanggang sa ika-15 ng Hunyo dahil sa patuloy pa ring pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Inaanyayahan naman ng arkidiyosesis ang mga mananampalataya na patuloy na makibahagi sa mga banal na liturhiya sa pamamagitan ng pagsubaybay sa online livestreaming ng mga banal na misa ng iba’t ibang mga parokya.
“Due to the immediate public health attention in Iloilo City and as requested by the Iloilo City Mayor, THE ARCHBISHOP SUSPENDS ALL PUBLIC LITURGICAL CELEBRATIONS IN ALL CITY PARISHES EFFECTIVE TOMORROW, JUNE 3, 2021 UNTIL JUNE 15, 2021. The faithful are encouraged to participate in the Holy Eucharist through online/ live streaming or in various media platforms.”bahagi ng anunsyo ng Archdiocese of Jaro.
Hinihikayat rin ng arkisiyosesis ang bawat mananampalataya na patuloy na ipanalangin na tuluyan ng mawakasan ang paglaganap ng COVID-19 pandemic.
Kaugnay nito batay sa tala ng Department of Health Western Visayas Center for Health Development, umaabot na sa mahigit 1,600-ang active cases ng sakit sa Western Visayas na kinabibilangan ng Iloilo City.