439 total views
Binati ng opisyal ng Vatican ang pamunuan ng Minor Basilica of the Black Nazarene sa pagkakabilang nito sa nangungunang influencers sa social media.
Sa mensahe ni Cardinal Luis Antonio Tagle, Prefect ng Congregation for the Evangelization of Peoples, hinamon nito ang mga naglilingkod sa dambana ng Poong Nazareno na patuloy ipalaganap ang misyon na ipakilala si Hesus sa sambayanan lalo ngayong ipinagdiwang ng bansa ang ikalimang sentenaryo ng kristiyanismo.
“Congratulations to the Quiapo church ministers and community; Jesus is the ‘influencer’ we need and seek,” bahagi ng mensahe ni Cardinal Tagle.
Batay sa pag-aaral ng BluePrint.PH pangalawa ang Quiapo Church sa top 10 influencer na nangangahulugang sinusundan ng maraming netizens ang mga gawain ng simbahan tulad ng banal na misa.
Ang Quiapo Church Facebook page ay may 1.6 million likes habang mahigit sa tatlong milyon naman ang followers. Una nang tiniyak ng Quiapo Church ang pagpapaigting sa ebanghelisasyon kung saan bukod sa mga banal na misa ay nagbabahagi rin ito ng mga katesismo.
Itinuturing naman ni Fr. Douglas Badong na malaking responsibilidad ang pagkabilang sa mga top influencers lalo’t halos 70 porsyento sa kabuuang populasyon ng Pilipinas ay gumagamit ng internet at naglalaan ng oras sa social media. Nang magsimula ang lockdown bunsod ng coronavirus pandemic noong Marso lahat ng mga gawaing pangsimbahan ay isinagawa online upang patuloy na makapaglingkod sa mga mananampalataya.