19,080 total views
Nagpapasalamat ang pamunuan ng Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno o Quiapo Church sa pagiging mapayapa at matagumpay na pagdiriwang ng Kapistahan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno.
Sa ginanap na press conference, sinabi ni Nazareno 2024 spokesperson, Quiapo Church parochial vicar Fr. Hans Magdurulang na maituturing na mapayapa ang kapistahan ng Poong Jesus Nazareno makalipas ang tatlong taong pagpapaliban dulot ng pandemya dahil na rin sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang ahensya lalo na ng mga deboto at mananampalataya.
“Ang pamunuan po ng simbahan ay nagpapasalamat po sa ating iba’t ibang mga ahensyang patuloy na sumusubaybay, gumagabay, at kasama namin hanggang matapos ang ating pagdiriwang ng kapistahan na ito. Masasabi ho natin na ‘yung ating mga ilang buwang pinagplanuhan at pinaghandaan ay tunay naman pong naisasakatuparan na. Maliban lang sa ilang mga bagay po na may ilang pagbabagong naganap, may bagong nangyari… But generally, tayo po ay nagpapasalamat din sa Diyos na umulan man kaninang umaga pero maghapon namang maganda ang panahon,” ayon kay Fr. Magdurulang.
Kabilang sa pinaghandaan ng Quiapo Church sa muling pagbabalik ng tradisyunal na traslacion ay ang andas na mayroong glass case upang maprotektahan ang Poong Nazareno at mas makita ng mga deboto.
Aminado si Fr. Magdurulang na sa kabila ng mga naging paalaala ng Quiapo Church ay hindi pa rin naiwasan ang pagtutulakan at pagsampa ng mga deboto upang makalapit sa poon.
“Ang pinakamahalaga po ay masasabi nating hindi nagkulang ang simbahan pagdating sa pagpapaalala. Ilang buwan na ho maging sa ating mga misa, sa mga formation po namin dito sa ating mga Hijos at Balangay ay nandun ang paulit-ulit at patuloy na pagpapaalala. Kaya kahit na mayroon tayong mga paulit-ulit at patuloy na pagpapaalala, pagdating po ng aktuwal na pangyayari ay masasabi natin na hindi na ho natin talagang makokontrol din at mabibigyan ng perpektong paliwanag at utos ang mga marubdob na damdamin ng mga deboto,” saad ni Fr. Magdurulang.
Samantala, naitala ng Department of Health ang 453-kataong nasugatan sa Traslacion, habang siyam naman ang dinala sa ospital kung saan kabilang ang isang suspected case ng atake sa puso.
Habang ibinahagi naman ng Philippine National Police na walang naitalang crime-related incidents sa kasagsagan ng Traslacion dahil na rin sa higit na bilang ng mga pulisyang itinalaga sa mga dinaanan ng prusisyon.
Tinatayang nasa higit anim na milyong mananampalataya ang nakibahagi sa pagdiriwang ng Nazareno 2024.