379 total views
August 11, 2020, 12:18PM
Iginiit ng opisyal ng migrants ministry ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na dapat paigtingin ang imbestigasyon sa katiwaliang nagaganap sa Philippine Health Insurance Corporation o Philhealth.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, Vice Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People, dapat walang kikilingan at mahalagang panagutin sa batas ang mapatutunayang opisyal na sangkot sa alegasyong korapsyon sa loob ng ahensya.
“Investigation at Philhealth should continue, no one above the law nor sacred cows, guilty should be punished and there should be reparations,” pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Radio Veritas.
Ang pahayag ng obispo ay makaraang ibinunyag ni Atty. Thorrsson Montes Keith na dating anti-fraud legal officer ng ahensya ang nawawalang 15-bilyong pisong pondo na nabulsa ng ilang matataas na opisyal ng Philhealth.
Bukod pa rito ang alegasyon naman ni Philhealth board member Alejandro Cabading na inendorso ni Philhealth President at CEO Ricardo Morales ang ‘bloated allocations’ ng ahensya para sa pagbili ng mga gamit ng I.T tulad ng software at iba pang I.T equipment na nagkakahalaga ng milyong piso na hindi inaprubahan ng Department of Information and Communications Technology.
Nanindigan si Bishop Santos na mawawalan ng tiwala ang mga manggagawang Filipino partikular ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa ahensya kung magpapatuloy ang katiwaliang nagaganap ditto.
Iginiit ng Obispo na mahalagang linisin ang corruption at parusahan ang mga opisyal na isinasangkot.
“How can Philhealth get and earn the trust of OFWs if there is rampart corruption? Before they ask for mandatory contribution from OFWs, Philhealth should clean and cleanse its ranks,” dagdag ng obispo.
Magugunitang isinusulong ng Philhealth nitong taon ang tatlong porsyentong premium batay sa sahod na natatanggap ng mga O-F-W sa kontribusyong ibabayad sa ahensya at gagawing mandatory mula sa fixed rate na P2, 400 kada taong bayad.
Ipinaliwanag ni Bishop Santos na hindi maiiwasang paghinalaan ng mga O-F-W na malulustay ang pinaghirapang salapi sa sariling interes ng mga opisyal ng Philhealth.
Paalala ng obispo sa lahat na dapat pakaingatan ang ambag ng mga O-F-W sapagkat ito ay bunga ng pagsasakripisyong malayo sa kanilang pamilya at hindi ito dapat gawing gatasan ninuman.
“OFWs are not milking cows; They should always remember that the OFWs contributions come from their blood, sweat and tears,’ giit ni Bishop Santos.
Samantala tiniyak ng Pangulong Rodrigo Duterte nitong ikasampu ng Agosto sa isang pulong-balitaan na pananagutin ang sinumang mapatutunayang nagkasala at dawit sa katiwaliang nagaganap hindi lamang sa Philhealth kundi maging sa iba pang ahensya ng pamahalaan.