209 total views
Nananawagan ang isang Opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa Pamahalaan, sa Simbahan at mamamayan na huwag ilihis ang usapin sa pag-aarmas ng mga Pari, kundi dapat ituon ang pagtugis sa mga pumapatay sa Pari.
Ayon kay Fr. Jerome Secillano, Executive Secretary ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs, malinaw ang paninindigan ng CBCP na hindi naakma sa mga Pari ang pagkakaroon ng armas na taliwas sa kanilang Misyon na Pagpapalaganap ng Kapayapaan.
“Ang usapin dito may mga paring pinapatay. Ang dapat dito na hanapin ay yung pumatay at kung sinong nasa likod ng pagpatay. Nalilihis tayo sa isyu. Ang talagang malaking isyu dito na dapat pinagtutunan ng pansin ng pulisya, ng simbahan, ng publiko ay yung pagpapatay at hindi ang pag-aarmas ng pari,” pahayag ni Fr. Secillano sa Radio Veritas.
Iginiit ni Father Secillano na nagsalita na ang CBCP at malinaw ang paninindigan na hindi pagsang-ayon sa pag-aarmas ng mga Pari.
“The world has its own standards but then again the standards of the church may not be practical for many of us but then that’s where the priests are coming from,” paglilinaw ni Father Secillano.
Binigyan diin ni Father Secillano na mahalagang mahinto ang karahasan hindi lamang sa mga Pari kundi sa iba pang mga biktima ng pagpaslang at makamit ang katarungan.
Ipinaliwanag ni Father Secillano na kung may Pari mang may baril ay nilinaw nito na hindi ito ang panuntunan ng Simbahan.
Sa halip na pag-aarmas, sinabi ni Fr. Secillano na maari namang humingi ng tulong ang mga Pari sa Philippine National Police (PNP) para magkaroon ng ‘Security Detail’ sa kanilang kaligtasan.
Read: Pag-aarmas, isinantabi ng mga Pari ng Diocese of San Pablo Laguna.
Read: CBCP, Tutol sa pag-aarmas ng mga Pari
Si Fr. Richmond Nilo ng Cabanatuan ang ikatlo sa mga biktima ng pinatay na Pari kasunod nina Fr. Mark Anthony Ventura ng Archdiocese ng Tuguegarao, at Fr. Marcelito Paez ng Diocese ng San Jose, Nueva Ecija.
Sa isang mensahe ng Santo Papa Francisco ang mga gumagawa ng baril at ang pagkakaroon nito ay nangangahulugan ng lamang ng kawalang tiwala.