352 total views
Nanawagan si Environment Secretary Roy Cimatu sa mga Pilipino na panatilihin ang kalinisan sa mga pampublikong sementeryo at memorial parks ngayong Undas.
Ayon kay Cimatu, importanteng gunitain at dalawin ang mga namayapang mahal sa buhay bilang pagbibigay galang sa kanilang kaluluwa.
Dahil dito, iginiit ni Cimatu na panalangin at hindi basura ang dapat na ialay sa mga yumao.
Payo nito sa mga dadalaw sa puntod ng kanilang kaanak hanggang bukas, ay magdala ng sariling trash bag at magbaon ng reusable containers sa halip na bumili ng pagkaing nakalagay sa plastic.
Pinakikiusapan din ni Cimatu ang mga tao na magdala ng sariling lalagyan ng tubig upang mabawasan ang konsumo ng sa mga plastic bottles.
“Let us honor our departed loved ones the right way. The Filipino custom of honoring our deceased loved ones includes prayers, visit to the cemetery, family reunions and eating together. However, as we get-together for this annual tradition let us also practice proper waste segregation. Separate paper, plastic, metal and tin, glass, and food wastes.”
Hinimok din nito ang mga lokal na pamahalaan na ayusin ang sistema ng pangongolekta ng mga basura at ang paghihiwa-hiwalay ng mga nabubulok sa hindi nabubulok.
Noong 2015 umabot sa 302 truck ng mga basura ang nahakot ng Metropolitan Manila Development Authority mula sa 26 na mga sementeryo sa Maynila.
35 sa mga truck ng basura na ito ang nagmula sa Manila North Cemetery, 28 sa Manila South Cemetery at 18 naman mula sa La loma Public Cemetery.
Nauna rito nanawagan si Cubao Bishop Honesto Ongtioco na igalang ang mga nakahimlay at gunitain ng taimtim ang Undas sa pamamagitan ng pagpapanatili ng kalinisan sa kapaligiran.