765 total views
Tuwirang pakikisangkot at pananalangin sa mga gawaing may kinalaman sa Climate Action kasabay ng pakikilahok sa pagdiriwang ng simbahan-ang dalawang uri ng pagtugon ngayong ginugunita ang Season of Creation.
Ayon kay Fr. Angel Cortez, provincial animator ng Order of Friars Minor, Justice Peace and Integrity of Creation (JPIC) hindi lamang kamalayan sa kasalukuyang kalagayan ng kalikasan ang kahulugang nais iparating ng Panahon ng Paglikha kundi pakikinig sa daing ng kalikasan.
“’Yung prayer with action ay ‘yung hangarin nitong panahon ng san nilikha upang maipaabot sa lahat ng manananampalataya sa ating parokya, sa ating organisasyon na kailangan na talaga nating kumilos—na ‘yung binigay na sannilikha ng ating Panginoon ay kailangan nating pangalagaan,” ayon kay Fr. Cortez.
Ito rin ang layunin ng pagdiriwang ng Season of Creation ngayong taon na nais maipaabot sa mga mananampalataya ng simbahang katoliko alinsunod sa tema ngayong taon “Listening to the Voice of Creation.”
Mungkahi ni Fr. Cortez na gawing kasayanan ang pagpapanibago o payak na pamumuhay nang hindi maabuso ang kalikasan.
Hindi rin sumasang-ayon ang par isa pagkakaroon ng minahan sa mga isla kung saan nagmumula ang mga likas na yaman.
Giit ng pari na ang mga pagmimina ay hindi lamang nagdudulot ng pinsala sa kapaligiran kundi nagtataboy din sa mga katutubong nangangalaga sa kanilang lupaing mana.
“So talagang ‘pag may mina, pati po ‘yung mga katutubo mawawala. Ang mina po hindi progreso kundi ito ay hudyat na papatayin ‘yung tinatawag nating ah lugar kung saan maraming yaman na puwedeng kunin,” dagdag pa ng pari.
Ang Season of Creation ay ipinagdiriwang sa buong buwan ng Setyembre hanggang sa October 4-kasabay ng pista ni San Francisco de Asis ang patron ng kalikasan.
Sa Pilipinas, ito ay hanggang sa October 9 na itinaon sa Indigenous Peoples’ Sunday bilang pagpaparangal sa mga katutubo na kilalang tagapangalaga sa kapaligiran. (With news intern, Jemimah Mae Mapa)