369 total views
Humiling ng suporta at panalangin ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines para sa lahat ng misyonerong Filipino.
Ayon kay Puerto Princesa Bishop Socrates Mesiona, Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Mission, mahalagang ipanalangin ang mga misyonero na nagpapatuloy sa gawaing ipalaganap ang Mabuting Balita ng Panginoon hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibayong dagat.
Iginiit ng Obispo na magandang pagkakataon na alalahanin ang mga misyonero sa pagdiriwang ng bansa ng 500 Years of Christianity.
“Suportahan natin ang Mission Society of the Philippines (MSP) at lahat ng Filipino missionaries working, we can also remember, pray, encourage and support them especially that we are celebrating the 500 YOC because they are the concrete expression of the gift that we would like to share; sila talaga yung nag-alay ng kanilang buhay para ibahagi ang pananampalataya,” pahayag ni Bishop Mesiona sa panayam ng Radio Veritas.
Ang MSP na local missionary arm ng Simbahan ay itinatag ng Kalipunan ng mga Obispo noong 1965 kasabay ng pagdiriwang ng ika – 400 taon ng Kristiyanismo sa bansa bilang pasasalamat ng Simbahan sa biyaya ng pananampalatayang tinanggap.
Tema ng Fil-Mission Sunday na ipagdiriwang ngayong Hulyo 25, 2021 ay ‘Gifted to Give’ hango sa paksa ng Missio Ad Gentes sa ikalimang sentenaryo ng Kristiyanismo ng bansa.
Binigyang-diin ni Bishop Mesiona na sa kabila ng krisis na kinakaharap ng lipunan ay natatanging pagkakataon din ang paglingap sa mga misyonero at pagtulong sa kanilang misyon.
“It is an opportune time also to remember them in this special day allotted for the Filipino missionaries,” giit ni Bishop Mesiona.
Hinimok din ng opisyal ang mamamayan na ipanalangin ang mas maraming bokasyon ng pagpapari, pagmamadre at maging mga laykong misyonero na handang makibahagi sa pagmimisyon.
Una nang kinilala ni Pope Francis ang mga misyonerong Filipino sa ibayong dagat kabilang na ang mga Overseas Filipino Workers na nagpapalaganap ng Mabuting Balita at aral ng Panginoon sa kabila ng mga balakid na kinakaharap.