877 total views
Pagtutulungan at panalangin ang kahilingan ng bagong Kura Paroko ng Immaculate Conception Parish and Archdiocesan Shrine of Nuestra Señora de la Consolacion Y Correa o San Agustin Church sa Intramuros Manila.
Ayon kay Fr. Reynante Balilo, OSA, mapagtatagumpayan nito ang bagong misyong paglingkuran ang parokya sa tulong ng mananampalataya na magiging katuwang sa pagpapalago ng komunidad ng San Agustin.
“Nawa ay patuloy po ninyo kaming ipagdasal na gabayan kami ng Diyos sa aming bagong misyon, ang misyon ni Kristo na ipinagkatiwala sa amin ng simbahan,” bahagi ng mensahe ni Fr. Balilo.
Batid din ng Agustinong pari ang mga karanasang matutuhan mula sa nasasakupang komunidad na higit magpapalago sa kanyang bokasyong maglingkod sa kawang ipinagkatiwala ng Panginoon.
Magiging katuwang ni Fr. Balilo sa pangangasiwa ng parokya si Fr. Edwin Hari, OSA bilang parochial vicar at Rector ng dambana.
Ayon sa pari, na sa pagtutulungan ay lalago ang parokya gayundin ang pananampalataya ng bawat nasasakupan.
“I ask you my dear brothers and sisters to continually teach me to fulfill the very purpose and reason for which I was ordained, like Jesus, I, too desire to serve and not to be served,” ani Fr. Balilo.
Pinangunahan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang rito ng pagtatalaga na sinaksihan ng daan-daang parishioners ng San Agustin Church at mga pari ng Order of St. Augustin – Province of the Most Holy Name of Jesus of the Philippines.
Taong 1500’s nang maitatag ang San Agustin Church na pinangangasiwaan ng mga Agustinong misyonero na nakaranas ng iba’t ibang hamon dulot ng sakuna, digmaan at iba pang kalamidad.
Ang simbahan ay kinilala ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) bilang isa sa mga Baroque Churches sa bansa habang idineklarang National Cultural Treasures at National Historical Landmarks ng pamahalaan.