14,528 total views
Humiling ng panalangin ang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines para sa matagumpay na pagpupulong ng mga obispo sa Archdiocese of Cagayan de Oro.
Ayon kay CBCP Episcopal Commission on Pontificio Collegio Filippino chairperson, Antipolo Bishop Ruperto Santos, mahalaga ang panalangin ng mananampalataya para sa makabuluhan at mabungang pagtitipon na makatutulong sa kanilang pagpapastol sa mahigit 80-milyong Pilipinong katoliko.
“We ask your prayers for us to be your more dedicated and devoted shepherds who serve, suffer and sacrifice like our Lord Jesus Christ,” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Nagsimula ang pagtitipon ng mga obispo nitong July 2 sa isang retreat sa Transfiguration Abbey na pinangangasiwaan ng Benedictine Monks sa Malaybalay Bukidnon kung saan magbibigay ng talk si Vatican Secretary for Relations with States Archbishop Paul Gallagher.
Isasagawa ang ika – 128 CBCP plenary assembly sa July 6 hanggang 8 sa Chali Conference Center sa Cagayan de Oro City. Sinabi ni Bishop Santos na kasabay ng pagtitipon ay ang panalangin ng mga obispo para sa natatanging intensyon ng Pilipinas at nasasakupang kawan.
“As your Bishops and as we begin our CBCP retreat please rest assured of our prayers and holy Masses for you, our dear people. We pray for your safety, sound health and strength as we go on with our pilgrimage of life here,” ani Bishop Santos.
Kabilang sa inaasahang tatalakayin ng CBCP ang paghalal ng mga mamumuno sa Commission on Catholic Education, Sub-commission on Retired, Sick, and Elderly Priests, Sub-commission for Permanent Deacons, at ng Office for the Postulation of the Causes of Saints.
Gayundin ang mga gawain sa nalalapit na Jubilee Year ng simbahang katolika sa 2025 na itinalaga ni Pope Francis bilang Pilgrims of Hope.
Tinatayang mahigit 80 obispo ang magtitipon sa plenary assembly na sa kauna-unahang pagkakataon ay isasagawa sa Mindanao.
Sa kasalukuyan ang CBCP ay binubuo ng 83 aktibong obispo, limang paring tagapangasiwa at 39 na honorary members o mga retiradong obispo.