251 total views
Nag–alay ng panalangin si Diocese of Kidapawan Apostolic Administrator Sede Vacante, Rev. Fr. Lito Garcia para sa tuluyang ikapapaya ng kanilang lalawigan matapos ang madugong dispersal sa mga magsasakang nag – barikada sa harapan ng National Food Authority o NFA sa Kidapawan City .
Dalangin ni Fr. Garcia na mahabag nawa ang gobyerno sa kalagayang kinakaharap ng mga magsasaka roon na nagugutom na sila ay pagmalasakitan at bigyan ng sapat na makakanin.
Hiniling din nito na ang bawat mamamayan ay makapag – ambag ng tulong at madaling makarating sa kanila.
“Mapagmahal naming Ama dinadalangin namin ang mga magsasaka dito sa lungsod ng Cotabato lalong–lalo na yung mga nangangailangan dito sa Kidapawan City. Kaawaan mo sila at pagkalooban mo sila ng nararapat na biyaya na kanilang kinakailangan at nawa ay may magmagandang–loob ang bawat kasapi na may kakayanan na maibahagi ang kinakailangan nila lalong – lalo na ang pagkain sa panahong ito ng tag–tuyot at hirap at nawa ay mapadali na makarating ito sa kanila. At ng maibsan ang kanilang paghihirap at pagtitiis sa ngalan ni Hesus na aming Panginoon,” bahagi ng panalangin ni Fr. Garcia sa panayam ng Veritas Patrol.
Nabatid na anim na buwan nang nakararanas ng matinding tag – tuyot ang mga magsasaka roon at wala pa ring tulong na dumarating sa mga 36,000 indibidwal na apektado nito.
Nauna na ring nagpa – abot ng panalangin ang Catholic Bishops Conference of the Philippines at nangako na rin si Caritas Manila Exe. Dir. Rev. Fr. Anton CT Pascual na magpapa – abot na tulong ang Archdiocese of Manila sa mga magsasakang apktado ng tag – tuyot sa Kidapawan.