277 total views
Banal at dakilang Diyos, Diyos ng pag-ibig, Hinihiling ko po na pagpalain at alalayan ang mga kababayan namin sa Mindanao lalung-lalu na sa Cotabato na nagdanas naman ng isang malakas na lindol.
Panginoon, napakatindi ng mga pagsubok na ito at alam po namin na higit sa lahat na mga dukha at mga mahihirap ang magdurusa na naman dahil dito. Alalayan Nyo po sila sa pamamagitan din ng pag-aagapay at pag-aantabay din ng kanilang kapwa. Nawa’y sa pamamagitan ng mga pagsubok na ito ay lalung bumukal ang malakasakit lalu na sa aming pamayanang Kristiyano.
Panginoon, nalalapit na rin po ang aming paggalang sa mga yumao ito sanang panahon ng undas ay maging okasyon para sa amin na makaisa ng puso, diwa at isip ang lahat ng mga yumao. Yaong nasa kapayapaan na sa Iyong piling, lahat ng mga banal at gayundin ang mga nananatiling balisa at dumaraan pa rin ng pagsubok.
Nawa Panginoon sa pamamagitan ng aming sariling panalangin at pagsasakripisyo para sa kanila ay sila’y makaabot sa kaganapan ng Iyong pagliligtas at kaganapan ng Iyong dakilang paghahari sa aming piling. Ang lahat pong ito ay aking isinasamo at idinadalangin sa dakilang ngalan at makapangyarihang ngalan ng Iyong anak na si Hesukristo aming Panginoon na nabubuhay at naghahari kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan,
Amen.
Bishop Pablo Virgilio David Diocese of Caloocan Vice-president CBCP
Panuorin ang inialay na panalangin ni Most. Rev. Pablo Virgillo David