711 total views
Hiniling sa Panginoong Diyos ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula na i-adya ang mamamayan sa panganib at sakuna na dulot ng lindol at matinding pagbaha sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa.
Ipinagdarasal din ni Cardinal Advincula sa Panginoon na pahupain ang masungit na panahon at mawala ang banta ng lindol.
Dakong 4:48 ng umaga ng tumama ang 6.6 magnitude na lindol sa Calatagan Batangas na naramdaman sa Mindoro Provinces at National Capital Region, Bulacan at Cavite.
Lubog din sa tubig baha ang maraming lugar sa Metro Manila at karatig lalawigan gayundin sa probinsiya ng Mindoro, Romblon, Marinduque dulot ng walang tigil na pag-uulan na sanhi ng Habagat at bagyong Fabian.
PANALANGIN
Panginoong Diyos, ikaw ang lumikha ng langit at lupa.
Ikaw din ang mapagmahal naming Ama. Ingatan mo kami sa mga panganib at sakuna na dulot ng malakas na pag-ulan, pagbaha, at lindol.
I-unat mo ang iyong mga makapangyarihang kamay upang pahupain ang masungit na panahon at mawala ang banta ng lindol. I-unat mo din ang aming mga kamay sa pagtulong at pagdamay sa mga kapatid naming labis na naaapektuhan ng mga sakunang ito.
At turuan mo kaming alagaan at pahalagahan ang kalikasan na iyong handog sa amin. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Hesuskristo, kasama ng Espiritu Santo, sa tulong ng panalangin ng Mahal na Birheng Maria. Amen.
H.E Jose Cardinal Advincula
Archbishop Archdiocese of Manila