331 total views
Hinikayat ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang lahat ng parokya at religious institution ng Archdiocese of Manila at mga layko na mag-alay ng misa at panalangin para sa mga pari at obispo na nahaharap sa pang-uusig dahil sa kanilang pananampalataya at paninindigan.
Ito ang nilalaman ng inilabas na circular letter ni Cardinal Tagle kaugnay na rin sa kasalukuyang nagaganap sa lipunan.
Ayon sa kaniyang kabunyian, ang mga panalanging ito ay bilang pagpapahayag ng suporta at pakiisa sa mga nagdurusa nang dahil sa mga maling paratang.
Kalakip din ng liham ang panalangin para sa Bayan na babasahin simula sa Linggo at darasalin buong buwan ng Agosto kabilang na ang mga misa tuwing Sabado ng gabi.
“Our dear Archbishop Cardinal Luis Antonio Tagle is asking all of us, priests, religious men and women and lay faithful in the Archdiocese of Manila, to offer our Masses and prayer for all our Bishops and Priests, especially those who suffer because of persecution and false accusations. Let our prayers be the best expression of our solidarity and fraternal support for them,” bahagi ng circular letter na nilagdaan ni Fr. Reginald Malicdem, chancellor ng Archdiocese of Manila.
Ang panawagan ay kasabay na rin ng pagdiriwang ng simbahan ng kapistahan ni St. John Marie Vianney ang patron ng mga pari sa ika-4 ng Agosto.
Panawagan para sa kapanatagan ng mga inuusig
Kalakasan at kapanatagan para sa mga lingkod ng simbahan na iniuugnay sa kasong sedisyon.
Ito ang nilalaman ng panalangin ni Cardinal Tagle sa mga obispo, pari at mga layko na nagdurusa dulot ng maling paratang dahil sa kailang paninindigan.
“Itinataas namin sa iyo ang mga obispo, pari, relihiyoso, at layko na nagdurusa dahil sa maling paratang at pag-uusig dahil sa kanilang paninindigan sa pananampalataya at katarungan,” ayon sa panalangin ni Cardinal Tagle.
Ayon kay Cardinal Tagle, bigyan nawa sila ng Panginoon ng kapanatagan na malagpasan ang bawat pagsubok na kinakaharap.
Bahagi rin ng panalangin ng kaniyang Kabunyian ang mga biktima ng pagpaslang at karahasan gayundin sa mga paring nagbuwis ng buhay sa pakikipaglaban para sa katotohanan.
“Tanggapin mo sa iyong hapag sa kalangitan ang mga napaslang sa mga marahas na organisadong pagpatay kasama ang mga paring nagbuwis ng buhay sa pagsusulong sa katotohanan at katarungan.”
Nawa ang bawat isa na nahaharap sa suliranin ay bigyan ng kalakasan para magpatuloy.
Sa kasalukuyan ay nasa ibang bansa si Cardinal Tagle kung saan kabilang sa tinungo nito ang Rohingyan Refugee camp sa Bangladesh bilang bahagi ng kaniyang tungkulin bilang pangulo ng Caritas Internationalis.
Una na ring kinasuhan ng PNP-CIDG ang 35 indibidwal kabilang na ang mga obispo at mga pari ng simbahan sa planong pagpapatalsik sa administrasyong Duterte.
Nagsagawa naman ng misa ang ilang diyosesis kabilang na ang Archdiocese ng Lingayen-Dagupan, Diocese ng Cubao at Balanga Bataan bilang suporta sa mga lingkod ng simbahan na maling pinaratangan.
Nag-ugat ang kaso sa pahayag ni Joemel Peter Advincula Alyas Bikoy na siyang nasa likod ng video na ang Totoong Narcolist na unang iniugnay sa ilegal na droga ang mga malalapit na kaibigan at pamilya ng Pangulong Duterte, bagama’t binawi rin sa halip ay pinangalanan ang mga kritiko ng Pangulo na nasa likod ng ‘destabilization plot’ laban sa punong ehekutibo.
PRAYER
Itinataas namin sa iyo ang mga obispo, pari, relihiyon, at layko
na nagdurusa dahil sa maling paratang at pag-uusig
dahil sa kanilang paninindigan sa pananampalataya at katarungan.
Pagkalooban mo sila ng banal na kagalakan at kapanatagan
na magtatawid sa kanila sa madidilim na gabi at paghihirap.
Tanggapin mo sa iyong hapag sa kalangitan
ang mga napaslang sa mga marahas na organisadong pagpatay
kasama ang mga paring nagbuwis ng buhay
sa pagsusulong sa katotohanan at katarungan.
Kasama si San Pablo aming sinasambit.
“Kabi-kabilaan ang pagpapahirap sa amin, ngunit ‘di kami nalulupig.
Kung minsa’y nababagabag kami, ngunit di nawawalan ng pag-asa.
Inuusig kami ngunit hindi kami pinapabayaan ng Panginoon.
Napapabagsak kami, ngunit di tuluyang napapatay.
Upang sa pamamagitan n gaming katawan
ay mahayag ang kanyang buhay” (2 Corinto 4: 8-10).
Dahil kapiling ka namin, Panginoon,
walang anumang naganap na o darating pa
ang makakaagaw sa aming pag-asa kay Kristo.
Nagtitiwala kami sa iyong walang maliw na pagmamahal.
Ikaw lamang ang makakahilom ng mga sugatang puso.
Ikaw lamang ang makakapagpatahan sa aming pagluha.
Ikaw lamang ang makakapagbigay sa amin ng kapayapaan.
Ikaw lamang ang makakapagpaloob ng lakas upang kami ay magpatuloy.
Palakasin mo ang mga pinapanghinaan ng loob
at bigyan ng katiyakang walang imposible o hindi mapangyayari sa iyo.
Puspos ng Espiritu Santo, lumalim nawa ang aming pag-ibig at malasakit sa bawat isa.
Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo aming Panginoon.
Amen.
Maria, Ina ng Pag-asa, ipanalangin mo kami.
San Miguel Arkanghel, ipanalangin mo kami.
San Juan Vianney, ipanalangin mo kami.
San Lorenzo Ruiz, ipanalangin mo kami.
San Pedro Calungsod, ipanalangin mo kami.
Beato Jose Maria de Manila, ipanalangin mo kami.
Beato Justo Tayakama Ukon, ipanalangin mo kami.