6,803 total views
Ipinapanalangin ni Imus, Cavite Bishop Reynaldo Evangelista ang kaligtasan ng publiko mula sa panganib ng kalagayan ng Taal Volcano sa Batangas.
Dalangin ni Bishop Evangelista na tuluyan nang humupa ang kalagayan ng Bulkang Taal upang mapawi na ang pangamba at hindi na magdulot ng masamang epekto sa kalusugan ng publiko.
“Mag-ingat po tayong lahat at sana ay magdasal din tayo lalo na huwag magkaroon ng eruption ang Taal Volcano para hindi makapinsala sa maraming mga tao.” ayon kay Bishop Evangelista sa panayam ng Radio Veritas.
Batay sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), kalmado na ang kalagayan ng Bulkang Taal, at huling nagbuga ng 2,730 toneladang sulfur dioxide o asupre noong Setyembre 22.
Nagdulot ng makapal na volcanic smog o vog ang Bulkang Taal noong nakaraang linggo mula sa ibinugang higit 4,500 toneladang asupre, at naramdaman ang epekto hindi lamang sa Batangas, kun’di maging sa karatig na lalawigan na Cavite at Laguna.
Hinikayat naman ni Bishop Evangelista ang mga mananampalataya na sama-samang kumilos at manalangin para sa ganap na kapanatagan lalo na sa mga residenteng higit na apektado ng aktibidad ng bulkan.
“Sana ay magkaroon ng lahat ng pagkilos ang bawat pamilya, ang bawat mamamayan para maingatan ang kalusugan. Yan po ang paalaala para sa inyo.” ayon kay Bishop Evangelista.
Samantala, nakaantabay naman ang Lipa Archdiocesan Social Action Commission (LASAC) upang tugunan ang pangangailangan ng mga apektadong residente.
Paalala naman ng Department of Health sa publiko na sa pagkakataong muling lumala ang vog, limitahan muna ang outdoor activities at panatilihin ang pagsusuot ng facemask upang mabawasan ang pagkakalantad.