3,748 total views
Hinikayat ni CBCP-Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People Chairman Balanga Bishop Ruperto Santos ang sambayanang Filipino at mananampalatayang Katoliko na ialay ang panalangin, pagsa-sakripisyo at pag-aayuno ngayong Semana Santa sa pagkakaroon ng kapayapan sa Pilipinas.
Ayon kay Bishop Santos, mahalagang sama-samang ipanalangin ang katahimikan sa Mindanao at buong bansa.
Hinimok ng Obispo ang lahat na palaging isipin ang kapakanan ng kapwa at bayan sa halip na maling prinsipyo at posisyon sa bayan.
“Una sa lahat ay sa kapayapaan at lalu na sa kapayapaan sa Mindanao, magkasundo una sa lahat tayong mga Filipino. Ating isipin muna ay yung ating bansa, bago ang ating sarili, isipin muna ang kapwa bago ang sarili, isipin muna ang ating prinsipyo at kauturuan ng Diyos kesa sa mga posisyon, mga chairmanship.”panawagan ni
Bishop Santos sa Radio Veritas
Hiniling din ng Obispo na i-alay ang ating paggunita ng mahal na araw para sa mga Overseas Filipino Workers na napakalayo sa kani-kanilang mga pamilya.
“Ikalawa lagi kong sinasabi lalu na sa ating OFW na ang kanilang buhay ay palaging naglalakbay, palaging malayo sa mahal sa buhay, kaya ipanalangin natin ang kanilang kaligtasan, ipanalangin natin ang kanilang kapakanan na makakuha, makakita ng mabubuting employer at sa ng mga employers din ay magkaroon ng pagbabago at magkaroon ng compassionate heart gayundin ang ating OFWs ay hindi maligaw sa mga taong naghahasik ng mali
at maling ideology.”paanyaya ng Obispo
Kasabay nito, ipinaliwanag ng Obispo ang kahalagahan ng pagsasagawa ng mga pilgrimages ngayong panahon
ng kuwaresma.
Sinabi ng Obispo na ito ay pagsabuhay sa ginawa ni Hesus na naglakbay sa lupa mula sa langit para lamang
sa pag-ibig sa sangkatauhan.
Pagninilay pa ng Obispo, sa ating mga pilgrimage tulad ni Hesus ay nangaral, nagpagaling at nagsaalang-alang
sa pinakamahihirap at nangangailangan.