236 total views
Ipinanalangin ng Obispo ng Tagum ang kaligtasan ng mamamayan ng Mindanao kasunod ng malakas na lindol sa rehiyon.
Ayon kay Bishop Medel Aseo naramdaman sa Davao Del Norte ang pagyanig katanghalian ng ika – 29 ng Disyembre.
“Lahi ni siya murag paspas ba ang temblor, murag gantangan nga giuyog [Iba siya parang mabilis yung pagyanig parang niyugyog na gatangan],” pahayag ni Bishop Aseo sa Radio Veritas.
Ayon sa Obispo bagamat malayo ang kanilang lugar sa sentro ng pagyanig ramdam nito ang lindol.
Batay sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) naitala ang 7.2 magnitude na lindol sa karagatan ng Davao Oriental.
Sa inisyal na impormasyong sinabi ni PHIVOLCS head Director Renato Solidum, 49 na kilometro ang lalim ng lindol na may tectonic origin.
Binalaan ni Solidum ang mga reidente sa Davao Oriental, Davao del Sur, at Sarangani province na bantayan ang kilos ng karagatan dahil sa posibleng banta ng tsunami dahil sa malakas na pagyanig sa ilalim ng karagatan.
Kabilang sa mga lugar na isinailalim sa tsunami alert ang Compostela Valley, Davao Del Norte, Davao Del Sur, Davao Oriental, Davao City, Sarangani, South Cotabato, Agusan Del Norte, Agusan Del Sur, Surigao Del Norte at Surigao Del Sur.
Panalangin ni Bishop Aseo na iligtas ng Panginoon sa kapahamakan at sa banta ng lindol at tsunami ang maamamayan ng Mindanao.
Hinimok din nito ang mga tao na maging mapagmatyag at alerto sa anumang pagkakataon upang makaiwas sa posibleng sakunang idudulot ng lindol.
PANALANGIN
O Panginoon, kami ay nagpapasalamat sa iyong pagiging Diyos na kasama namin sa lahat ng pagkakataon.
Oh God Emmanuel, sa pagdiriwang namin ng pasko ng pagsilang, kaming iyong sambayanan sa Diyosesis ng Tagum at mga karatig diyosesis ng mga sub-region ng Mati, Davao, at Digos ay nananalangin upang amin nawang maramdaman ang iyong presensya at pagmamahal.
Hinihiling namin na kami’y iyong pangalagaan at iligtas sa kapahamakan at mga sakuna, lalo na ang mga biglaang kalamidad na hindi mababantayan ng tao tulad ng lindol.
Lahat ng ito ay hinihiling at ipinapanalangin namin sa Diyos na nagpakatao, God Emmanuel, si Hesus na aming tagapagligtas.
Amen!