468 total views
Nagpaabot ng panalangin ang Diocese ng Borongan para sa kaligtasan ng mga naapektuhan ng matinding pagbaha at pag-uulan sa Eastern Visayas.
Ayon kay Borongan Bishop Crispin Varquez nawa ay hindi mawalan ng pag-asa at sa halip ay magkaroon ng katatagan ng loob upang makaahon sa nararanasang paghihirap na dala ng mga sakuna.
Tiniyak din ng Obispo na bukod sa panalangin ay handa ring tumulong ang simbahan lalo’t higit sa mga pagkain na kailangan ng mga apektadong pamilya.
“Sa lahat po ng mga affected sa pagbaha ngayon sa Diocese of Borongan, northern part, lalo na sa mga upstream parishes and barangays, huwag po tayong mawalan ng pag-asa. Basta tayo po ay magpakatatag at saka manalangin, unti-unti po tayong makakaahon… Hindi lang sa panalangin ang simbahan na makakatulong kundi nakakatulong din sa materyal na paraan lalo na sa pagkain,” pahayag ni Bishop Varquez sa panayam ng Radio Veritas.
Ayon pa sa Obispo ay nakahanda naman ang mga parokya na sakop ng Diyosesis na tumulong at magpatuloy sa mga apektadong residente at pamilya habang hindi pa humuhupa ang pagbaha sa ilang bayan.
Nakikipagtulungan din ang simbahan sa lokal na pamahalaan upang mapadali ang pag-rescue at pamamahagi ng tulong sa mga naapektuhang pamilya.
Idinadalangin naman ni Bishop Varquez na nawa’y gumanda na ang panahon sa Diocese at wala nang dumaang kalamidad na muling magdadala ng paghihirap sa mga naninirahan sa Eastern Visayas.
Batay sa ulat ng Eastern Samar Provincial Disaster Risk Reduction Office, umabot na sa 3,000 mga pamilya ang naapektuhan ng malawakang pagbaha sa limang bayan sa lalawigan dulot ng patuloy na pag-uulan.
Kabilang din ang lalawigan ng Eastern Samar sa mga labis na naapektuhan ng Typhoon Yolanda na nanalasa sa bansa noong 2013.