215 total views
Nangangamba ang Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant Peoples matapos na maglabas na naman ng panibagong listahan ang Indonesian government ng mga bibitayin.
Ayon kay CBCP – ECMI Chairman Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos kinakailangan kumilos ng pamahalaan maging ng susunod na administrasyon upang tuluyan ng maisalba ang buhay ni Mary Jane Veloso.
“Tayo ay nangangamba at nag – aalala sa pahiwatig ng Pangulo ng Indonesia si President Widodo na kung saan ay ipagpapatuloy ang pagbitay by firing squad dun sa mga nagkaroon ng krimen na mabigat at malalim. At tayo ay nangangamba at nag – aalala sa kalagayan ni Mary Jane Jane Veloso subalit tayo rin ay umaasa nananalangin na siya ay hindi makakasama,” bahagi ng agam – agam ni Bishop Santos sa panayam ng Veritas Patrol.
Nagalak naman si Bishop Santos sa ulat na naipagpapaliban ngayong taon ang pagbitay kay Veloso dahil nakatutok ang Indonesian government sa pag – usad ng kaso sa Regional Trial Court sa Cabanatuan ng recruiter nito na si Maria Cristina Sergio at ng kanyang asawa.
Hiniling naman nito ang patuloy na pananalangin upang tuluyan ng makamit ang katarungan at mabigyan na ng amnesty si Veloso.
“Malakas ang pag – asa natin na kinikilala ng pamahalaan ng Indonesia na si Mary Jane Veloso ay biktima. At ang pamahalaang Indonesia ay nakatitig, nakatingin at nag – aabang sa resulta ng hearing sa RTC 37 sa Cabanatuan tungkol sa trafficking kay Mary Jane Veloso na siya ay biktima at siya ay nabiktima nila Maria Cristina at Julius. Alam nila at hinihintay nila ang resulta na ating hearing dito at ito ay magiging basehan ng pagkakawalang – sala ni Mary Jane Veloso na siya ay mabibigyan ng amnesty ng pamahalaang Indonesia. Kaya patuloy tayong manalangin, patuloy tayong umasa at ang Diyos ay makatarungan at ipagkakaloob niya ang nararapat na hustisya,” giit pa ni Bishop Santos sa panayam ng Veritas Patrol.
Nabatid na naglabas ng panibagong iskedyul ang Indonesian government ng mga bibitayin ngayong taon. Sa ilalim naman ng pamumuno ni Indonesian president Joko Widodo ng limang taon nitong maipatupad ang moratorium sa pagbitay ng mga drug traffickers umabot na sa 14 ang mga binitay na karamihan ay mga dayuhan.
Magugunita na nasa walong drug traffickers ang tuluyang binitay noong Abril 2015, ngunit sa sama – samang panalangin ay hindi natuloy ang pagbitay kay Veloso na nahulihan ng 2.6 na kilo ng heroin sa kanyang bag sa paliparan.