289 total views
Hinimok ng kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga mananampalataya na samahan ng pananalig ang araw-araw na pananalangin.
Ito ang mensahe ni Cardinal Tagle sa isinagawang “street mass” sa Don Bosco parish,barangay Pio del Pilar, Makati city.
Ayon kay Cardinal Tagle, ang tunay na pananalangin ay nagmumula sa pananalig at malalim na pananampalataya.
Sinabi ng Kardinal na ang pinakamalakas na armas ay ang pananampalataya na inihahayag sa pagdarasal.
Ipinaalala ni Cardinal Tagle na kailangang laging magkasabay ang pagkilos at pananalangin.
Nilinaw ng kanyang Kabunyian na hindi naman nararapat na i-asa na lamang sa pananalangin ang hinihingi at hinahangad sa buhay.
Inihalintulad ni Cardinal Tagle ang panalangin sa paghingi sa ama na may tiwala o katulad ng isang batang nagtitiwala sa kakayahan ng kanyang ama.
“Ang pananalangin na may pananalig ay ugnayan ng anak na nagtitiwala sa kanyang ama,”pahayag ni Cardinal Tagle.
Hinikayat naman ng Kardinal ang mga magulang na ipasa sa susunod na henerasyon ang kanilang pananalig sa Diyos na siyang magiging sandata ng mga kabataan sa pagharap nila sa kanilang mga pagsubok sa buhay.