408 total views
O Diyos Amang mapagmahal sa amin, kay sarap isipin at namnamin pagdiriwang ng pagsilang ng Mahal na Birheng Maria na Ina ni Hesus at Ina din namin. Sa unang tingin marahil tatanungin bakit ang kuwento sa ebanghelyo ay pagsilang ng Kristo? Ngunit sa dakilang karunungan po Ninyo, O Diyos Ama dito Mo ibinalot kagandahan at kabutihan hindi lamang ng kapistahan kungdi ng katotohanang hatid nito: Dumating si Hesus na Anak Mo sa pamamagitan ng dalawang mabubuting tao ayon sa plano at kalooban Mo: si Jose na mula sa angkan ni David na lahi ni Abraham naging esposo ni Maria na siyang Ina ng tinatawag naming Kristo. Dahil dito, hinatian Mo kami O Diyos ng karangalan katulad ni Maria maging tagapaghatid ni Hesus sa mundong gulung-gulo. Hayaan po ninyo na aming mapagtanto at mapagyaman turo sa amin ng Iyong lingkod sa San Papa Juan Pablo Ikalawa: bawat kaarawan ay munting Pasko dahil sa pagsilang ng bawat tao si Jesu-Kristo ang naparito! Huwag nawa naming malimutan karangalang ito kaya aming hiling sa aming masintahing Ina kami ay palaging ipanalangin, ilapit kay Hesus na ating Panginoon upang Siya ring maibahagi sa kapwa natin. Amen.