313 total views
Hinimok ng Archdiocese of Manila ang mga Pari sa Arkidiyosesis na isama sa panalangin sa lahat ng misa sa araw ng Linggo ang mga naging biktima ng pambobomba sa Our Lady of Mt. Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu.
Sa inilabas na circular letter, hinihiling sa bawat parokya na isama sa ‘Prayers of the Faithful’ ang panalangin para sa mga nasawi at nasugatan sa pagsabog.
“As an expression of our solidarity to the victims of the Jolo Cathedral bombing last Sunday, January 27, to those who are injured and those who died, their families, and the community of Jolo, may we ask that this intention be included in the Prayer of the faithful of our Masses, especially on Sunday, February 3, 2019,” bahagi ng circular letter na nilagdaan ni Fr. Reginal Malicdem, chancellor ng Archdiocese of Manila.
Nakapaloob sa panalangin ang pakikidalamhati at kahilingan na matamo ng mga biktima ang kapayapaan at kapanatagan sa kabila ng naganap na karahasan.
“Isama natin sa ating mga panalangin ang mga biktima ng karahasan sa pagpapasabog sa Katedral ng Jolo. Sa mga sumakabilang buhay, matamo nawa nila ang walang hanggang kapayapaan. Sa mga nasaktan, namatayan, at pinamamayanihan ng takot, matagpuan nawa nila sa Panginoon ang kapanatagan, katiwasayan, at paghahari ng kapayapaan sa kanilang pamayanan. Manalangin tayo sa Panginoon.” bahagi ng circular letter
Noong Linggo, higit sa 20 ang nasawi habang may 100 ang sugatan sa magkasunod na pagsabog.
Sa kabila ng trahedya, hinikayat ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang publiko na maging mahinahon at patuloy na ipanalangin ang kapayapaan hindi lamang sa Mindano kundi sa buong bansa.