3,708 total views
Iginiit ng Santo Papa Francisco na tanging mga panalangin ang makapipigil sa karahasang nangyayari sa sanlibutan.
Ito ang bahagi ng mensahe ng santo papa sa nagpapatuloy na digmaan sa pagitan ng Israel at Hamas militant group sa Gaza gayundin sa iba pang bahagi ng daigdig.
“Prayer is the gentle and holy force to oppose the diabolical force of hatred, terrorism and war,” mensahe ni Pope Francis.
Nakiisa si Pope Francis sa panawagan ng simbahan sa Holy Land sa pagsasagawa ng pag-aayuno at pananalangin sa October 17 para sa natatanging intensyon na mawakasan ang digmaan sa Gaza.
Muling hiniling ng santo papa na pairalin at igalang ang humanitarian law lalo na sa sentro ng digmaan upang maging ligtas ang mga inosenteng indibidwal.
“I renew the appeal for the release of the hostages and I strongly ask that children, the sick, the elderly, women and all civilians are not victims of the conflict,” ani ng santo papa.
Nabahala si Pope Francis sa kalagayan ng 150 kataong hostage ng Hamas sa Gaza mula nang sumiklab ang kaguluhan sa lugar noong October 7.
Iginiit ng pinunong pastol ng simbahan na walang puwang sa lipunan ang anumang uri ng karahasan kaya’t dapat na magbuklod ang pamayanan tungo sa pagkakamit ng kapayapaan ng daigdig.
Sa kasalukuyang datos umabot na sa mahigit 3, 000 ang nasawi sa magkabilang panig habang libu-libo ang nasagutan kabilang na ang mga sibilyan.
Tiniyak din ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mga panalangin para sa kaayusan ng Israel at Palestina gayundin sa 30, 000 Overseas Filipino Workers sa lugar habang hiniling ang panalangin para sa kaligtasan ng mahigit 50 Pilipinong kasapi ng Israel Defense Force na nakikipaglaban sa militanteng Hamas.