34,337 total views
Kinondena ng Department of the Interior and Local Government ang pagtatayo ng resort sa gitna ng Chocolate Hills sa Bohol.
Ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos, dapat managot ang sinumang may kaugnayan sa itinayong imprastraktura sa bahagi ng isa sa mga iniingatang likas na yaman ng bansa.
Ang Chocolate Hills ay kabilang sa United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization o UNESCO World Heritage Site, at itinuturing na protected area sa bisa ng Proclamation No. 1037 series of 1997 at Republic Act 7586 o ang National Integrated Protected Areas System (NIPAS) Act of 1992.
“We will look into the accountability of the local government units (LGUs) concerned. Should there be neglect of duty or any other irregularity on the part of the officials tasked with protecting and overseeing the area, we will not hesitate to pursue appropriate legal actions,” pahayag ni Abalos.
Iginiit ng kalihim na ang mga lokal na pamahalaan ang dapat na manguna at maging halimbawa sa pagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan.
Paliwanag ni Abalos na nakasaad sa Local Government Code na mandato ng LGUs na paigtingin ang karapatan ng mamamayan para sa balanse at ligtas na kapaligiran.
“If illegal construction was allowed within a protected area, this would fall gravely short of this responsibility,” saad ni Abalos.
Nangako naman ang DILG na makikipagtulungan sa Department of Environment and Natural Resources sa paglikha ng mga resolusyon kaugnay ng usapin.
Una nang hinikayat ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy ang mga mananampalataya na higit pang isabuhay ang pagiging mabubuting katiwala ng Diyos sapagkat ang kabutihan ng kalikasan ay magkakatuwang na tungkulin ng bawat isa.