73,940 total views
Mga Kapanalig, pinaalalahanan tayo ni Pope Francis sa Laudate Deum tungkol sa realidad ng climate change: “It is indubitable that the impact of climate change will increasingly prejudice the lives and families of many persons. This is a global social issue, and one intimately related to the dignity of human life.”
Climate change at pagtugon sa mga disaster risks ang tinalakay sa 2024 Asia-Pacific Ministerial Conference on Disaster Risk Reduction na ginanap sa Pilipinas nitong October 14 hanggang 18. Dumating sa bansa ang apat na libong kalahok mula sa iba’t ibang bansa upang pag-usapan ang mga hakbang sa pagpapabuti ng disaster risk reduction o pagpapababa sa mga epekto ng mga banta at panganib ng mga kalamidad.
Malaki ang kaugnayan ng climate change sa mga disaster risks. Pinatitindi nito ang epekto ng mga bagyo at tagtuyot na sumisira naman sa mga likas na yaman at maging sa buhay at hanapbuhay ng mga tao. Tinalakay ni Kamal Kishore, punong kinatawan ng United Nations Office for Disaster Risk Reduction, ang pagkukulang ng mga bansa sa pagtugon sa climate change at sa mga pinatitindi nitong kalamidad. Aniya, “[D]isaster risks are increasing across the world… [D]isasters are now affecting record numbers of people, affecting their lives and livelihood…”
Higit itong makabuluhan para sa atin dahil ang Pilipinas ang may pinakamataas na risk index sa taong 2024. Ayon iyan sa World Risk Report. Nakakuha tayo ng iskor na 46.91. Ang risk index ay tumutukoy sa kahandaan o kakulangan ng bansang tumugon sa mga kalamidad, sakuna, digmaan, o pandemya.
Hindi na natin ikinagugulat ang resulta ng pag-aaral. Nitong nakaraang linggo lamang, hinagupit ng Bagyong Kristine ang buong Luzon, lalo na ang Bicol at Southern Tagalog. Maraming lugar at ari-arian ang napinsala ng napakalalim na baha at napakalakas na hangin. Habang isinusulat natin ang editoryal na ito, umabot na sa 26 ang namatay. Daan-daang barangay ang lumubog sa baha. Napakalaki pa ng kailangan nating gawin para maging handa sa mga disasters.
Sa talumpati ni Pangulong BBM sa Asia-Pacific Ministerial Conference on Disaster Risk Reduction, sinabi niyang prayoridad ng administrasyon ang disaster risk reduction. Dapat daw paglaanan ng pondo ang disaster risk reduction sa bansa. Malalaman natin kung magiging totoo ito, lalo na ngayong pagkatapos ng manalasa ng Bagyong Kristine.
Pundasyon ng pagpapaigting ng disaster risk reduction at response ay ang pagtugon sa climate change. Paano ito magagawa? Ilan sa mga dapat simulan na ay ang pagbabawas sa paggamit ng mga non-renewable energy at paggamit ng renewable energy; pagpapababa sa carbon emissions ng mga sasakyan at mga industriya; pagbabawas ng mga land conversions at pagsira sa mga likas na yaman para bigyang-daan ang mga infrastructure projects; at pagsugpo sa illegal mining at pagkakalbo ng mga bundok. Sa lahat ng ito, mahalaga ang pakikipagtulungan ng pamahalaan sa mga advocacy groups sa pagsusulong ng mga green at eco-friendly projects.
Ngunit dapat din nating suriin ang uri ng ating pamumuhay bilang mga indibidwal, pamilya, at komunidad. Hinahamon tayo ng ating Simbahan na mamuhay nang may pananagutan sa kalikasan dahil ito ay para din sa ating ikabubuti, hindi lang ngayon kundi sa mga susunod pang salinlahi.
Mga Kapanalig, inaanyayahan tayo ni Pope Francis na ating pangalagaan ang nag-iisa nating tahanan. Ayon nga sa Mga Awit 24:1-2, “Ang buong daigdig at ang lahat ng naroon, ang may-ari’y si Yahweh na ating Panginoon. Itinayo niya ang daigdig sa ibabaw ng karagatan, inilagay ang pundasyon sa mga tubig sa kalaliman.” Ang pangangalaga sa kalikasan—kasabay ng maagap na pagtugon ng gobyerno—ay pundasyon ng pagiging handa sa anumang kalamidad.
Sumainyo ang katotohanan.