747 total views
Binigyang-diin ng kaniyang Kabanalan Francisco ang kahalagahan ng tuwinang pananahimik at pagdarasal.
Ayon kay Fr. Greg Gaston rector ng Pontificio Colegio Filipino at Radio Veritas Correspondent sa Vatican, ito ang binigyan halaga ng Santo Papa sa kaniyang misa sa Santa Marta.
“Sa mundo maraming nangyayari sa ating mga balita lalu na kasi mga bad news lagi. Kailangan din nating mag-isip-isip kailangan natin ang silence. Hindi lamang sa labas sa paligid kundi sa ating sarili,” ayon kay Fr. Gaston.
Sinabi ng Pari na dapat bigyan ng bawat isa ng panahon ang sarili ng katahimikan dulot na rin ng maingay na mundo at problema ng lipunan.
“Sa pagdadasal ay pinag-iisipan natin ang ating sarili kung ano ang magagawa para sa Panginoon at para sa ating kapwa,” ayon kay Fr. Gaston.
Iginiit ni Fr. Gaston na ganito rin ang panawagan at tugon ng Santo Papa sa mga eskandalong kinakaharap ng simbahan dulot ng clerical abused at panawagan ng ilan sa kaniyang pagbibitiw.
Ayon kay Fr. Gaston, sa halip hinikayat ni Pope Francis ang lahat na magdasal at mag-ayuno bilang isang pamilya.
“Kaya sinasabi niya na ang pamilya nandoon ang Love and Peace. At pag-isipan natin na ang Simbahan, na isa tayong pamilya kaya kahit minsan na mayroong mis-understanding. Kaya kailangan ng silence at pagdarasal. Baka tayo din may mga pagkukulang, sa ating pamilya, sa ating Parokya,” ayon pa sa Pari.