257 total views
Umaapela ang Catholic Bishops Conference of the Philippines sa mga mananampalataya na makiisa sa tatlong araw na pananalangin at pag-aayuno ng mga Obispo.
Ayon sa opisyal na pahayag ng CBCP na inilahad ni CBCP Vice-president Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, ang tatlong araw na pananalangin at pag-aayuno ay upang hilingin sa Panginoon ang kanyang awa, at katarungan sa mga lumapastangan sa ngalan ng Diyos, mga naninirang puri at nagpapahayag ng kasinungalingan sa pananampalatayang Kristiyano, at sa mga nakagawa ng pagpatay, o ang mga sumusuporta sa gawaing ito bilang paraan ng paglaban sa kriminalidad sa lipunan.
Ang tatlong araw na fasting, prayer and alms giving na pangungunahan ng mga Obispo ng bansa ay magsisimula sa ika-17 hanggang ika-19 ng Hulyo.
Hinihimok din ang mga mananampalataya na makiisa sa sakripisyong ito, at humingi din ng tulong at gabay mula sa mahal na Birheng Maria upang mapanatili ng bawat Kristiyano ang kanilang lakas habang sinusundan ang tunay na kalooban ng Diyos.