435 total views
Umabot na sa higit-1000-pamilya o 4,000 indibidwal ang mga nagsilikas at kasalukuyang nasa evacuation center sa Agoncillo, Batangas bunsod ng muling pagliligalig ng bulkang Taal.
Ayon kay Lipa Archdiocesan Social Action Commission (LASAC) Director Father Jayson Siapco, patuloy na binabantayan ng komisyon ang kalagayan ng bulkan gayundin ang pagsasagawa ng rapid assessment upang alamin ang kalagayan at pangangailangan ng mga nagsilikas.
“May mga ahensya at iba’t ibang grupo na ang nakikipag-coordinate sa aming opisina pagdating sa ating mga possible responses sa ating Taal Volcano evacuees. Ngayon ang team ng Malasakit para sa Batangas ay nagtungo sa Laurel at Agoncillo para sa kanilang assessment,” pahayag ni Fr. Siapco.
Nangangailangan naman ang mga evacuees ng N95 face masks, pagkain at tubig, mga gamot, folding beds, hygiene kits, at diaper.
Kasalukuyang nakataas sa Alert Level 3 o magmatic unrest ang Taal Volcano kasunod ng phreatomagmatic eruption nito.
Pinag-iingat naman ng PHIVOLCS ang publiko lalo na ang mga residenteng nasa loob ng 5-kilometer radius mula sa bulkan na agad nang magsilikas para na rin sa kaligtasan sa mga posible pang mangyari sa mga susunod na araw.
Mas pinaigting din ng ahensya ang pagbabawal sa pagpasok sa Taal Volcano Island at sa mga high-risk barangay sa bayan ng Agoncillo at Laurel sa posibilidad ng panganib.
Hinikayat naman ng Archdiocese of Lipa ang pananalangin ng Oratio Lipensis para sa patuloy na kaligtasan ng lahat lalo’t higit ng Batangas sa banta ng pagliligalig ng Bulkang Taal.
Matatandaang January 12, 2020 nang muling sumabog ang Taal Volcano makalipas ang higit 40 taon magmula nang huli itong sumabog noong 1977.