331 total views
Inihayag ni dating CBCP – President at Lingayen Dagupan Archbishop emeritus Oscar Cruz na tinuturuan tayo ng Miercoles De Ceniza o “Ash Wednesday” na tayo ay galing sa alabok at tayo ay babalik sa alabok.
Ipinaliwanag ni Archbishop Cruz na sinisimbolo nito ang kaligtasan sa pagtatakwil sa sariling kagustuhan sa pagsunod sa kalooban ng Diyos.
“Ang unang aral ng Miercoles De Ceniza kapag tayo ay pinunasan o nilgagyan ng abo sa ulo ang sinasabi dun ay sa abo ka galing at sa abo ka babalik. Ibig sabihin lahat tayo galing sa wala at kapag tayo ay namatay na ang punta natin ay sa Panginoon. That is creation and salvation.” pahayag ni Archbishop Cruz sa panayam ng Radyo Veritas.
Sinabi pa ni Archbishop Cruz na sa ating pag – aayuno at pagsasakripisyo ay ating pakikiisa sa paghihirap ni Kristo.
Ipinaalala rin nito na hindi beatification o pagpapaganda ang layunin ng fasting at abstinence kundi sanctification o pagpapabanal sa paggawa ng kabutihan sa kapwa.
“Ikalawa ang hindi natin pagkain ng karne ngayong araw na ito at sa iba pang araw ng Biyernes ibig sabihin lang nun ay isang sakripisyo. Sapagkat mahilig tayong kumain ng karne at ang hindi pagkain nito ay pagsasakripisyo, yun ay alay na rin natin sa Panginoon na gunitain natin ang kanyang pagsasakripisyo at pagkamatay sa Krus.” Giit pa ni Archbishop Cruz sa Veritas Patrol.
Magsisimula ngayong unang araw ng Marso ang Cuaresma na siyang paghahanda ng mahigit isang bilyong Romano Katoliko sa pagpapakasakit, paghihirap at muling pagkabuhay ni Hesus.
Nauna na ring nanawagan si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga Katoliko na makibahagi sa Fast2Feed program ng Hapag-Asa na layuning makalikom ng pondo para tinatayang dalawampung libong bata sa mga mahirap na komunidad sa Metro Manila.(Romeo Ojero)
Read: http://www.veritas846.ph/cardinal-tagle-umaapela-ng-pakikiisa-sa-fast2feed-program/