276 total views
Pinuna ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Health Care ang mga negosyanteng nananamantala sa pagsabog ng bulkang Taal upang kumita.
Ayon kay Rev. Fr. Dan Cansino – Executive Secretary ng kumisyon, hindi dapat samantalahin ng mga negosyante ang kasalukuyang sitwasyon upang magtaas ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan tulad na lamang ng face masks.
Iginiit ng Pari na kung hindi maaring ibahagi ng libre sa nangangailangan ang mga face masks ay marapat na panatilihin o mas babaan pa ang presyo nito sa merkado.
Inihayag ni Father Cancino na ang mga face mask ang pangunahing proteksyon na kakailanganin ng bawat mamamayan mula sa abo na ibinubuga ng bulkan.
”Huwag po sana nating i-take advantage itong pagkakataong ito na magtaas ng mga presyo ito (face masks) ay isang pangangailangan ng mga tao at sana kung pangangailangan ng tao mas babaan pa natin o kung hindi man tayo ay mas magkaroon pa ng kagandahang loob na gawin nating libre kung hindi man babaan natin (ang presyo) at ibigay natin ito sa mga nangangailangan…” pahayag ni Fr. Cansino sa panayam sa Radyo Veritas.
Iginiit ni Fr. Cansino na maituturing na isang paraan ng pagnanakaw ang pananamantala sa mga nangangailangan sa gitna ng isang masamang sitwasyon.
Ipinaliwanag ng Pari na bilang iisang sambayanan at anak ng Diyos ay mas naaangkop na magtulungan ang bawat isa sa halip na manamantala.
“Huwag po natin itong i-take advantage dahil kapag tayo po ay nagti-take advantage ito po ay paraan ng pagnanakaw lalong lalo na sa mga nangangailangan kaya pagpalain po sana kayo ng Diyos nawa haplusin ng Diyos ang inyong mga puso ng patuloy niyang pagpapala…” paalala ni Fr. Cansino.
Hinimok rin ni Fr. Cansino ang mga health worker sa bansa na mag-organisa at magtungo sa mga lugar at kumunidad na apektado ng pagsabog ng bulkang Taal upang mabigyan ng atensyong medikal at matiyak ang kalusugan ng mga apektadong residente.
“Humihimok tayo ng ating mga health care workers na mag-organisa at pumunta doon sa area kung saan po nandoon ang ating mga kapanalig na na-evacuate para mapanatili yung kanilang mga kalusugan, so yun po ang ating gagawin nag-oorganize po tayo para lalong lalo na sa mga matatanda, sa mga bata at sa mga may karamdaman…” Apela pa ni Rev. Fr. Dan Cansino.
Batay sa inilabas na abiso ng Department of Health (DOH), ang ash fall o mala-pulbos na buhangin na ibinubuga ng bulkan ay nagtataglay ng carbon dioxide at flourine na makasasama sa kalusugan ng taong makakalanghap nito na maaring magdulot ng pangangati ng ilong o lalamunan, ubo, bronchitis, pamumula ng mata, hirap sa paghinga, at mga problema sa balat.
Sa panlipunang turo ng Simbahan, kailangang may batayang moral ang anumang uri ng pagtataas sa presyo ng bilihin at hindi dapat ito makakaapekto sa kapakanan ng ordinaryong mamamayan.