353 total views
Binigyang-pansin ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula na mas higit na nakakaawa ang mga indibidwal na ginagamit ang mga dukha sa sariling interes.
Ito ang pagninilay ng Cardinal sa misang ginanap sa Manila Cathedral nitong November 15 para sa World Day of the Poor.
Tinukoy ng Arsobispo ang nakasanayang paggamit sa mga mahihirap para isulong ang pansariling interes ng ilang indibidwal lalo na tuwing halalan.
“Kapag ginagamit natin ang mga dukha para sa ating mga advocacies at propaganda, para sa sariling interes, para magpasikat, para sa picture taking o kapag gusto nating manatiling mahirapan ang mga dukha upang magamit natin sila kapag naaalala lang natin ang mga dukha at inilalagay sa center stage dahil panahon ng eleksyon or dahil World Day of the Poor higit tayong kawawa kaysa kanila,” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Advincula.
Bago ang Banal na Misa isinagawa ang maikling diyalogo sa pagitan ng cardinal at ilang kinatawan ng iba’t ibang sektor ng mga maralita sa lipunan.
Ito’y sa inisyatibo ng Commission on Social Services and Development ng arkidiyosesis na pinangangasiwaan ni Father Eric Adoviso.
Ilan sa mga nagsalita ang kinatawan mula sa sektor ng mga may kapansanan, housing, healthcare workers volunteers, sektor ng manggagawa at iba pa.
Pinasalamatan ni Cardinal Advincula ang mga nagbahagi ng kanilang karanasan na magiging gabay ng simbahan sa pagpapatupad ng mga programa na kapakipakinabang sa mahihirap na komunidad.
“Marami salamat sa inyong pag-share ng inyong mga ginagawa at ng inyong karanasan ito ay makapagbigay sa amin ng mga ideas kung paano matutulungan lalo na ang mga nahihirapang mga kapatid natin,” ayon pa ng Cardinal.
Nauna nang hinimok ng Arsobispo ang mamamayan na magkaisang labanan ang mga indibidwal na nagsusulong ng sariling interes gamit ang karukhaan ng kapwa at magtulungan upang maibsan ang paghihirap ng kapwa.
Kaugnay dito ibinahagi naman ni Caritas Manila Executive Director Fr. Anton CT. Pascual na humigit kumulang sa 400 milyong pisong halaga ng tulong pinansyal sa pamamagitan ng gift certificates ang naipagkaloob sa halos 300-libong pamilya na kabilang sa ‘ultra-poor families’ sa buong bansa.
Pinaigting ng social arm ng Arkidiyosesis ang pagtugon sa pangangailangan ng mamamayan lalo na noong lumaganap ang pandemya sa lipunan na nakaapekto sa milyun-milyong Filipino.
Taong 2017 nang ilunsad ng Kanyang Kabanalan Francisco ang World day of the Poor sa Vatican bilang pakikiisa at pagkilala sa mga maralita sa lipunan na binibigyang halaga ng Simbahan.