180 total views
Kinundena ng Arkidiyosesis ng Ozamis ang naganap na pananambang sa ilang lingkod ng Simbahan sa bayan ng Concepcion sa Misamis Occidental noong ika – 5 ng Mayo.
Ayon kay Archbishop Martin Jumoad, dapat pairalin sa lipunan ang paggalang sa dignidad ng buhay ng tao at hindi ang galit na nagdudulot ng kasamaan.
“Let us not be carried by our emotion and we no longer respect the sanctity of life,” mensahe ni Archbishop Jumoad sa Radio Veritas.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Rev. Fr. Edilberto Baculi, CM, ang kura paroko ng Immaculada Concepcion mission station patungo sa barangay Poblacion ang convoy ng mga biktima na pawang mga opisyal ng barangay at kasapi ng Eucaharistic Ministers of the Holy Communion nang tambangan sa magubat na bahagi sa Upper Dioyo 1, Barangay 18.
Kinilala ang mga biktima na sina Brgy Kagawad Emilio Paglinawan, Carlito Pata, Dodo Tumasan na nasa malubhang kalagayan habang nakaligtas naman si Barangay Captain Mario Manday.
Naniniwala ang mga residente sa lugar na may kaugnayan sa pulitika ang pananambang dahil kapwa supporters at volunteers ang mga biktima sa isang kumakandidatong alkalde.
Nagpasalamat naman ang Pari na nakaligtas ang marami sa kapahamakan nang maganap ang pananambang bagamat ikinalungkot ang pangyayari.
“Pinapasalamat ko sa Diyos na hindi talaga tinamaan yung marami, ako’y nalulungkot dahil yung mga katulong namin sa Simbahan, mga volunteers, walang salary, nabiktima pa sa ganitong mga collateral victims,” ani ni Fr. Baculi sa Radio Veritas.
PAALALA SA MANANAMPALATAYA
Kaugnay dito pinaalalahanan ni Archbishop Jumoad ang mamamayan na iwasan ang pagpanig sa isang partido at huwag piliin ang mga kandidatong gumagamit ng dahas para mailuklok sa posisyon.
“Let us not be too partisan because this destroys our capacity to use our intellect. Just a reminder to our voters: never vote a candidate who has private army,” dagdag pa ni Archbishop Jumoad.
Magugunitang nanawagan ang Simbahang Katolika sa Pilipinas sa mahigit 60-milyong botante na suriin ang mga kandidatong iboboto na karapat-dapat mamahala sa bayan at nakasusunod sa katangiang tinataglay ng isang tao sumusunod sa kalooban ng Panginoon.
IPANALANGIN ANG KAPAYAPAAN
Nanindigan naman si Fr. Baculi na bilang lingkod ng Panginoon, mananatili itong instrumento ng pagpapalaganap ng kapayapaan at pagmamahal sa lugar.
Ipinanalangin ng Pari ang kagalingan sa tulong ng Panginoon sa tatlong biktimang nasugatan sa pananambang at tiniyak ang buong suporta ng Arkidiyosesis sa pangunguna ni Archbishop Jumoad.
Pagbabahagi pa ng Vincentian Missionary priest na bukod sa pagiging Lay Minister sa Mission Station, aktibo rin ang ilan sa kanila sa Gagmay’ng Simbahanong Katilingban(GSK) o mas kilalang Basic Ecclesial Communities (BEC) sa katagalugan.
Panawagan ni Fr. Baculi sa mga salarin na wakasan na ang masasamang binabalak laban sa kapwa at alalahanin na maging sila rin ay may buhay na pinahahalagahan ng Panginoon.
“Sana yung maitim nilang mga balak huwag na nilang ituloy kasi kung sila ay papatay ng tao para makapaglingkod sila sa posisyon, wala rin yang silbi. Ang buhay ay mahalaga at sila rin ay may buhay din naman sana makita nila yung Diyos, sana itigil yung masasamang gawain,” apela ni Fr. Baculi.