2,858 total views
Nawa ay patuloy na ibahagi ng mga magulang ang pananampalataya na maipamana sa mga kabataan na silang bubuo sa pamayanan at sa simbahan.
Ito ang paalala ni Fr. Greg Gaston ng Pontificio Colegio Filippino sa mananampalatayang Filipino na ang karamihan sa populasyon ay Katoliko Kristiyano.
Sinabi pa ng pari na hindi dapat na ipagkatiwala ng bawat magulang ang pagpapakilala sa pananampalataya sa mga parokya at paaralan kundi ito ay dapat na magsimula sa loob ng tahanan.
“Patuloy lang itong napakahalagang at napakagandang practice o tradisyon na ang ating pananampalataya ay ipinapasa sa loob ng tahanan sa ating mga pamilya,” ayon kay Fr. Gaston.
Paalaala pa ng mga pari na bukod sa pagtuturo ng mga gawain at mabuting asal ay marapat din sa loob ng tahanan ang pagkilala ng kabataan sa pananampalataya
“Kayo mismo ang magtuturo kung paano magdasal o di kaya ay maging mabuti, maging mabait, maging matulungin, mga virtues na tinatawag na ito ang nagpapalakas sa mga kabataan at sa atin ding nakatatanda na,” dagdag pa ng pari.
Una na ring binanggit ng Santo Papa Francisco sa kaniyang katesismo sa VAtican ang kahalagaan ng mga ina ng tahanan at mga lola na kadalasang nagpapaalala sa pananampalatayang katoliko.
Gayunman, binigyan diin ni Pope Francis na ang ebanghelisasyon ay tungkulin ng bawat binyagan at pangunahin ding misyon ng simbahan.