496 total views
Muling nanawagan si Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo para payagan na ang mas maraming pagdalo ng mananampalataya sa mga pampublikong misa sa mga parokya.
Ayon kay Bishop Pabillo, mahalaga ang pananampalataya bilang bahagi ng pagpapagaling ng mga may karamdaman lalu na ngayong panahon ng pandemya.
Bukod sa mahusay na manggagamot, bisa ng gamot ay mahalaga ang pananalig sa Diyos para sa paghihilom at kaligtasan mula sa karamdaman.
“Kailangan din na siya ay may pananalig na gagaling siya at paano naibibigay ‘yan? Naibibigay ‘yan ng pananampalataya. Kaya sinisikap natin na iyong mga may sakit ay hindi magbitaw sa pananampalataya na may isang Diyos na may hawak sa buhay natin na ang Diyos na ito’y mapagmahal sa atin anuman ang Kaniyang kalooban, ‘yan ay sa ikabubuti natin,” bahagi ng homiliya ni Bishop Pabillo.
Nawa ayon sa obispo ay makita bilang ‘essential’ ang pananampalataya sa panahong marami ang nagkakasakit at nangangamba sa kanilang kalusugan.
“Pagbigyan n’yo naman kami na maraming makapasok na tao sa simbahan. Kasi iyan po ay kailangan ng mga tao sa panahon ng pandemya. Kailangan nila ng Diyos, sila mismo ay naghahanap. Kaya huwag nating limitahan ang paglapit ng mga tao sa Panginoon. Pero may nagtatanong, ‘essential service ba ang religious services? Ang ating paniniwala essential service,” ayon pa kay Bishop Pabillo.
Ang panawagan ni Bishop Pabillo ay kaugnay na rin sa ginanap na misa para sa ika-29 na Pandaigdigang Araw ng may Sakit na ginanap sa National Shrine of St. Michael and the Archangels.
Sa kasalukuyan ang buong Metro Manila ay nanatiling nasa ilalim ng ‘general community quarantine’ kung saan 30-porsiyento lamang ng kapasidad ng simbahan ang maaring dumalo sa loob ng parokya at mga gawaing simbahan.
Sa homiliya ni Bishop Pabillo, binigyan diin ang kahalagahan ng pagpapagaling sa pamamagitan ng pakikiisa sa kalagayan ng may sakit gayundin ang hangarin na paggaling mula sa karamdaman.
Ang taunang pagtitipon ay karaniwang dinaluhan ng mga may karamdaman bagama’t dulot ng pandemya ay tanging mga manggagamot at mga tagapangalaga ng mga may sakit ang mga dumalo sa misa.
Ang paggunita ng World Day of the Sick ay itinatag ni St. Pope John Paul II kasabay na rin ng kapistahan ng Our Lady of Lourdes.
Layunin ng paggunita ang patuloy na pagbibigay ng halaga sa pananalangin at pakikibahagi sa paghihirap ng mga may karamdaman sa pamamagitan ng pagpapadama ng pag-ibig ng Panginoon.
Napapanahon din ang pagdiriwang lalu’t nanatiling banta sa kalusugan sa buong mundo ang pandemic novel coronavirus.
Sa Pilipinas, mula sa higit 500-libong kaso ng nahawaan may 11-libo pa rin ang patuloy na ginagamot dahil sa Covid-19.