378 total views
Naniniwala ang dating opisyal ng gobyerno na hindi maaaring ihiwalay ang pananampalataya sa paglilingkod sa lipunan.
Ito ang binigyang diin ni dating Department of National Defense Secretary Norberto Gonzales sa isang pahayag kasabay ng pagtatalaga ng Santuario Diocesano de la Sagrada Familia sa Tala Orani Bataan.
Ipinaliwanag ni Gonzales na mahalaga ang mga aral ng Panginoon na gawing batayan at patnubay sa pagtataguyod ng komunidad.
“Isang leksyon na natutuhan ko [sa pagiging public servant] ay hindi pwedeng ihiwalay ang ating paniniwala at ang hinihiling ng ating pananampalataya sa isa’t isa; hindi pwedeng ihiwalay yan sa pagtugon sa ating tungkulin sa lipunan at mamamayan dapat laging nasa puso at sa isip ang mga ginintuang aral na ibinigay sa atin ng Panginoon,” pahayag ni Gonzales.
Ayon kay Gonzales, marapat ipagpasalamat sa Diyos ang biyaya ng pananampalataya na tinanggap ng mga Pilipino 500 taon ang nakalipas.
Ang halos dalawang ektaryang dambana ng Banal na Mag-anak ay donasyon ng pamilya ni Gonzales sa Diyosesis ng Balanga na matatagpuan sa Mt. Naib sa barangay Tala, Orani,Bataan.
Sinabi pa ng opisyal na hindi sinayang ng mga Pilipino ang kaloob na pananampalataya sa nakalipas na limang sentenaryo sapagkat naipalaganap at mas lumawak ito sa kasalukuyan.
“Significant occasion ito kasi kung tatanawin natin ang nakalipas, hindi sinayang ng mga Pilipino ang 500 taong nakaraan sapagkat ang sambayanang Pilipino ay isa sa pinakamatibay na moog ng pananampalataya,” ani ng opisyal.
Nagpasalamat naman si Bishop Ruperto Santos sa pamilya Gonzales sa pagkakaloob ng dambana kung saan ito rin ay regalo ng diyosesis sa Inang simbahan sa bansa sa pagdiriwang ng 500 years of christianity.
Umaasa naman si Gonzales na tanggapin ng bawat mananampalataya ang hamon na mas mapalawak pa ang kristiyanismo hindi lamang sa buong bansa kundi sa buong daigdig.