217 total views
Buhay na buhay ang pananampalatayang katoliko sa iba’t-ibang bahagi ng mundo lalo na sa Gitnang Silangan.
Ito ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP-ECMI).
Ayon kay Bishop Santos, sa paggunita ng Kuwaresma ay nakikiisa rin ang mga Overseas Filipino Workers (OFW’s) sa mga nakagawian na ng mga Filipino tulad ng pagtitika, pag-aayuno at pananalangin.
Karaniwang nagsisimba ang mga OFW tuwing Biyernes at araw ng Linggo.
Paliwanag ni Bishop Santos, bagama’t mayorya ng mga bansang ito ay hindi mga kristiyano nagkakaroon pa rin ng pagkakataon ang mga Filipino na gunitain ang kuwaresma kasama ang mga Filipino community sa bansang kanilang pinaglilingkuran.
“Sa mga hindi nagpapractice ng Catholicism na mga countries, in spite of that yung ating Catholic faithful still practice in the sense na nagpa-fasting din sila, abstinence na during Friday ay iyon na rin ang simba nila kasi sa middle east yan ang holiday. At during that time sila rin ay nagpa-fasting hindi kumakain ng karne,” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas
Sa mahigit 2.2-milyong OFWs sa may 17-bansa, 1.1 milyon ang mga Kristiyano sa Middle East na karamihan ay matatagpuan sa Lebanon, Egypt ,Israel, Saudi Arabia at United Arab Emirates.