15,208 total views
Umapela sa pamahalaan ng pangmatagalang solusyon ang grupong Kilusan para sa Repormang Agraryo at Katarungang Panlipunan (KATARUNGAN) para sa ikauunlad ng sektor ng agrikultura sa bansa.
Ayon kay KATARUNGAN Secretary General Danny Carranza, hindi sapat ang panandaliang tulong sa mga magsasaka para mapaunlad ang produksyong titiyak sa food security ng bansa.
“Sa kalagayan ng agrikultura ngayon sa ating bansa pangmatagalan at komprehensibong [tugon] ang dapat na pinag-uusapan ng pamahalaan kasama dapat ang magsasaka.” pahayag ni Carranza sa Radio Veritas.
Tinukoy ni Carranza ang pamamahagi ng lupa para sa magsasaka lalo’t ito ang direktang nagbubungkal at nagpapaunlad sa produktibidad ng lupa gayundin ang suportang serbisyo kasama ang paggamit ng teknolohiyang makatutulong sa sektor ng agrikultura.
Dismayado rin ang grupo na kadalasang hindi naipararating sa mga magsasaka ang nararapat na benepisyo kabilang na ang insurance sa tuwing may kalamidad.
Sinabi ni Carranza na dapat paigtingin ng pamahalaan ang paggawa ng hakbang para sa sapat na patubig sa mga lupang sakahan at iginiit na hindi sapat ang cloud seeding sa pagkakaroon ng ulan tuwing tagtuyot.
“Halos normal na ito sa panahon ng climate change mahalaga na komprehensibo ang gawing pagpapaunlad sa sektor ng agrikultura at isa sa mayor na usapin sa agrikultura ay ang irigasyon.” giit ni Carranza.
Aniya, maraming water system sa bansa tulad ng mga ilog na maaring paunlaring irigasyon para sa mas permanenteng pagkukunan ng tubig sa mga lupang sakahan.
Sa datos ng National Irrigation Administration (NIA) noong 2021 nasa 65 porysento sa mahigit tatlong milyon ektaryang irrigable area sa bansa ang napatayuan ng irigasyon subalit ayon kay Carranza may mga proyektong hindi napakikinabangan dahil sa maling disenyo.
Panawagan ng simbahang katolika sa pamahalaan na bigyang prayoridad ang sektor ng agrikultura na pangunahing magtitiyak sa suplay ng pagkain sa bansa.