15,174 total views
Homiliya para sa Biyernes matapos ang Miyerkoles ng Abo, 16 Pebrero 2024, Mt 9:14-15
Dahil hindi na yata matiis ng parish priest na makita ang isang babaeng lumalakad na paluhod habang nagrorosaryo, nilapitan niya ito at sinabihan, “Hindi ba pwedeng magdasal ka na lang na nakaupo o nakaluhod sa luhuran? Ba’t ba kailangan mo pang lumakad na paluhod mula sa entrada patungo sa altar? Nagdudugo na ang mga tuhod mo at napapansin ka tuloy ng mga tao. Hindi mo naman kailangan gawin iyan. Hindi naman hinihingi iyan sa iyo ng Panginoon.”
Sumagot ang babae: “Hindi ko naman po ginagawa para pansinin ng mga tao, Father. Alam ko rin po na hindi naman kailangang gawin ito at hindi hinihingi ng Panginoon. Ako po ang mayroong hinihingi sa kanya. Namamanata po ako para sa anak kong bunso. May congenital heart problem po siya, may butas sa puso. Kailangan ng malaking halaga para maoperahan siya, hindi naman po namin kaya. Nagmamakaawa po ako sa Panginoon—sana ako na lang ang maghirap, huwag na lang ang anak ko.”
Panata ang tawag sa ganyan. May kaakibat na sakripisyo. Sa tingin ko ito ang mas angkop na translation para sa FASTING para sa Filipino. Hindi kasi ako kuntento sa salitang AYUNO—walang datíng para sa atin dahil Kastila. Kaya nga DESAYUNO ang tawag ng Kastila sa almusal—unang kain sa umaga para tapusin ang AYUNO, o mahabang oras na walang kain.
Tuloy laging iniuugnay ang FASTING sa hindi pagkain; fasting din ang tawag sa pagre-reduce o pagpapakapayat o pagpapasexy.
“Bakit ba kaming mga alagad ni Juan at mga Pariseo ay nag-aayuno, pero kayo at ang mga alagad ninyo ay hindi?” Kung ako si Hesus baka ganito ang sinagot ko, “Ewan ko sa inyo. Ba’t ba kayo mag-aayuno nang hindi ninyo alam para saan? Ba’t ninyo gagawin kung hindi malinaw sa inyo ang kabuluhan nito?” Ganito rin ang tanong ng propeta sa ating unang pagbasa.
Mas malakas ang dating ng salitang PANATA kaysa AYUNO. Pati nga sa mga pananagutan natin sa bayan bilang mga mamamayang Pilipino, ginagamit natin ang salitang PANATA. Di ba binibigkas ng mga estudyante sa elementary ang PANATANG MAKABAYAN, matapos awitin ang LUPANG HINIRANG?
Balikan natin ang kuwento ng nanay na namanata para sa anak. Kusa daw na gumaling at natakpan ang butas sa puso ng bata nang hindi na naooperahan. Fast forward, nakita ng pari ang anak na ngayon ay dalaga na, minsan isang araw, lumalakad ding paluhod at nagdarasal. Inulit ng pari ang sinabi sa nanay niya, “Hindi ba pwedeng magdasal ka na lang na nakaupo o nakaluhod sa luhuran? Ba’t ba kailangan mo pang lumakad na paluhod mula sa entrada patungo sa altar? Nagdudugo na ang mga tuhod mo at napapansin ka ng mga tao. Hindi mo naman kailangan gawin iyan. Hindi naman hinihingi iyan sa iyo ng Panginoon.”
Ang sagot daw niya ay—“Gumaling po ako dahil dininig ng Diyos ang dasal ng nanay ko na namanata nang ganito. Kaya namamanata din po ako.” Para saan? Tanong ng pari. “Para po magpasalamat.” Sabi ng pari, “Okey, may mas mabisang paraan ng panata para sa pasalamat—halika, tulungan mo ang parokya sa feeding program para sa mga batang malnourished.” At masayang tumayo ang dalaga.