1,474 total views
Mga Kapanalig, sa kanyang pagtatanggol sa panukalang batas niyang layong gawing mandatory muli ang Reserve Officers’ Training Corps (o ROTC), sinabi ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na ang mga handang pumatay at mamatay upang ipagtanggol ang bansa ay mas makabayan kaysa sa mga pipiling manood na lamang at hintayin ang bungang aanihin mula digmaan. Kung maisasabatas ang Senate Bill No. 2034 na itinutulak ng dating hepe ng PNP, required ang lahat ng estudyante sa kolehiyo o Higher Educational Institutions gayundin ang mga naka-enroll sa Technical Vocational Institutions na sumailalim sa ROTC sa loob ng apat na semestre.
Nakakuha naman ng kakampi si Senador Bato sa kanyang dating amo na si dating Pangulong Duterte. Mahalaga raw ang basic military training upang matuto ang kabataang humawak ng armas para maging handa sa anumang pangyayari, lalo na kapag maubos daw ang mga sundalo at pulis. Magtuturo daw ang ROTC ng kasanayang maghahanda sa kabataan sa sandaling “magkagulo na ang mundo.” Naaawa raw ang dating presidente sa mga ayaw at hindi dumaan sa ROTC dahil “hindi [nila] alam [kung saan] pupunta” kapag “magkagulo talaga ang bayan natin.” Mabibigat na salita ang mga ito mula sa isang umaming siya mismo ay nagsakit-sakitan upang ma-exempt sa ROTC.
Kung sasangguni tayo sa mga panlipunang turo ng Simbahan, mauunawaan nating ang pagiging makabayan ay hindi tungkol sa kahandaang mag-alay ng buhay kapag ang ating bansa ay makikipagdigmaan sa iba. Makitid ang ganitong pananaw.
Una sa lahat, itinuturo ng ating pananampalataya ang pagkiling sa kapayapaan, sa mga paraang lulutas sa mga gusot nang hindi gumagamit ng karahasan. Pangalawa, ang pagiging makabayan ay umuusbong sa ating pakikisalamuha sa ating kapwa—simula sa ating pamilya. Ang layunin ng pagkamakabayan ay ang magkawanggawa (o charity) at mag-ambag sa kabutihang panlahat (o common good). Sabi pa nga ni Pope John Paul II sa isang talumpati sa United Nations, ang tunay na pagkamakabayan o patriotism ay hindi naghahangad ng kabutihan para sa sariling bansa habang may inaapakang iba. Sa pagpasok sa digmaan sa ngalan ng bayan, hindi kabutihan ng alinmang bansa ang nakakamit.
Maraming paraan upang maipakita natin ang ating pagkamakabayan. Sa “Panatang Makabayan” na itinuro sa atin noong ating kabataan at binibigkas pa rin hanggang ngayon sa mga paaralan, ang pag-aalay ng buhay ay hindi literal na pagpapakamatay para sa bayan. “Iaalay ko ang aking buhay, pangarap, pagsisikap sa bansang Pilipinas,” iyan ang huling pangungusap sa panata. Magagawa ito ng bawat isa sa atin—lalo na ang ating kabataan—hindi sa pamamagitan ng pagiging marunong na humawak ng armas, ng pagmamartsa sa ilalim ng araw, at pagiging sunud-sunuran sa mga nakatataas sa atin. Maipakikita natin ang ating pagkamakabayan sa pamamagitan ng pagiging mabuting mamamayan. Para sa kabataan, malaking bagay para sa bayan ang pag-aaral nang mabuti at pagsisikap na maabot ang kanilang pangarap. Para sa mga nakatatanda, nagiging makabayan tayo sa pag-iwas sa paggawa ng mali at pagmamatyag sa mga gumagawa ng mali. Nagiging makabayan tayo sa pagtupad natin sa ating mga tungkulin—pagbabayad ng tamang buwis, pagpili ng mahuhusay na lider, pagtulong sa ating kapwa, pagiging disiplinado sa kalsada, at maraming iba pa.
Mga Kapanalig, panahon nang lampasan ang pananaw at paniniwalang ang pagiging makabayan ay maipakikita sa pagiging handang humawak ng armas sa ngalan ng bayan. Sa halip na turuan ang kabataang gumamit ng baril, bakit hindi natin linangin ang kanilang kaisipan, kakayahan, at, higit sa lahat, konsensya nang maging mabubuti at produktibong Pilipino sila? Wika nga sa Mga Awit 33:12, “Mapalad ang bansang si Yahweh ang Diyos.” Hindi ito kailangang isang Katolikong Diyos, kundi ang lahat ng kinakatawan niya—kapayapaan, kabutihan sa kapwa, at katotohanan.
Sumainyo ang katotohanan.