326 total views
Pinaalalahanan ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco ang mga Pari ng Diyosesis ng Malolos na mahalagang panatilihin ang diwa ng kabataan.
Binigyang diin ni Bishop Ongtioco, ang Apostolic Administrator ng Diyosesis na dapat tularan si Hesus na sa kabila ng pagiging bata ay ipinahayag ang Salita ng Diyos sa harap ng mga hamon.
“It is this in the reality of youthfulness which joins all our celebrations today. Jesus who is ever young shares his eternal youthfulness to the Eucharist, the priesthood and the church and we renew our priestly commitment because it is only in the spirit of youthfulness where renewal is ever possible,” bahagi ng homiliya ni Bishop Ongtioco.
Sinabi ng Obispo na bilang kabataan ay masigla nawang maglingkod ang mga Pari sa halos 3 milyong mananampalatayang Katoliko ng Diyosesis upang maging matagumpay ang paggabay bilang mga pastol ng Simbahan.
Ipinaalala pa ni Bishop Ongtioco na ang mga Pari ay tumugon sa tawag ng Panginoon sa panahon ng kabataan kaya’t marapat na panatilihin ito sa paglilingkod sa kawan na itinalaga upang maisabuhay ang mga halimbawa ng Panginoong Hesukristo.
“Sa bawat Eukaristiya tayo ay pumapasok sa misteryo mismo nang walang hanggang kabataan o perpetual youthfulness ng Panginoong Hesukristo. Gaano man tayo tumatanda sa bawat Misa tayo ay nakiisa sa batang nag-aalay ng sarili si Kristo na inalay ang sariling buhay sa ikatutubos ng sanlibutan,” ani ng Obispo.
Ang hamon ni Bishop Ongtioco ay kasabay ng pagdiriwang ng Taon ng mga Kabataan sa Pilipinas bilang paghahanda sa ikalimang daang anibersaryo ng Kristiyanismo sa 2021.
Pinangunahan ni Bishop Ongtioco ang Misa ng Krisma ng Diyosesis kung saan ginanap ang pagsariwa ng pangako ng mga Pari at pagdiriwang ng pagkakatatag ng Eukaristiya.
Sa kasalukuyan ang Diyosesis ng Malolos ay may 177 mga aktibong Pari na nangangasiwa sa 118 mga Parokya habang 22 Pari naman ang retirado subalit patuloy na tumutulong sa mga gawaing pangsimbahan.
Halos isang taon nang sede vacante ang Diyosesis nang pumanaw noong Mayo 2018 si Bishop Jose Oliveros bunsod ng malubhang karamdaman.
Nagpasalamat naman ang Kaparian ng Diyosesis kay Bishop Ongtioco sa pakikiisa sa mahalagang araw ng mga lingkod ng Simbahan at nagsilbing pansamantalang punong pastol na gumagabay sa mga Pastol ng Simbahan sa Malolos.