207 total views
Muling panawagan ng opisyal ng Catholic Bishops’ of the Philippines na panatilihin ang kalinisan sa mga sementeryo.
Ito ang mensahe ni CBCP-vice president, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David sa pagdiriwang ng sambayanang Filipino ng Undas o All Saints and All Souls day.
“Maging pangunahin sana para atin ay ‘yung pagbibigay galang sa ating mga yumao, pananalangin ng sama-sama,” ayon kay Bishop David.
Ipinaalala ng Obispo na nakaugalian na ng mga tao na iwanan ang kanilang mga basura sa mga puntod kung saan sila nagtipon at nagsalo-salu kasama ang pamilya.
“Maging responsable sa ating mga panapon sa ating mga solid waste. At huwag iiwan sa mga sementeryo, ang dinala mo, dalhin mo din,” paalala ni Bishop David.
Hinimok ng Obispo ang publiko na maging responsable sa mga basura, huwag iwanan sa mga sementeryo at iwasan ang paggamit ng mga plastic.
Ang diyosesis ng Kalookan ang siyang nangangasiwa sa ilang malalaking sementeryo kabilang na dito ang La Loma Catholic Cemetery at ang La Loma Columbary.
Ang La Loma Catholic Cemetery ay nagbukas noong 1884, ang pinakamatandang sementeryo sa Manila na may lawak na 54 na ektarya na dating tinatawag bilang Cementerio de Binondo.
WALANG BAYAD ANG PAGBABASBAS
Pinaalalahanan din ng Obispo ang mga pari ng Simbahang Katolika na magbabasbas sa mga puntod na huwag maningil ng bayad.
Ayon kay Bishop David, bigyan ng konsiderasyon ang mga mahihirap at gawing boluntaryo ang kontribusyon ang ibibigay ng mga nais na magpabasbas sa puntod ng kanilang mahal sa buhay.
Giit ng Obispo, bukod sa dahan-dahan ng tinatanggal ang arancel system ng simbahan bahagi rin ng tradisyon ng simbahan ang ‘gratis’ o walang bayad at hindi pagkaitan ng sakramento o serbisyo ng simbahan.
“Bigyan naman po ninyo ng konsiderasyon lalu na ang mga dukha, na sana boluntaryo na lang ang kontribusyon ang mga basbas,” ayon kay Bishop David.
Nakatakda namang magmisa si Bishop David sa La Loma Cemetery sa ika-2 ng Nobyembre ‘All Souls Day’ at magsasagawa ng pagbabasbas sa mga puntod kasama ang mga seminarista ng Kalookan at lay Eucharistic ministers.
Ayon sa Obispo ito ay libre habang hinikayat din ang publiko na i-report sa pamunuan ng sementeryo kung may maniningil sa pagbibigay ng basbas sa mga puntod.
CREMATED REMAINS SHOULD BE LOCK
Hindi rin sang-ayon ang simbahan sa mga nakagawian ng ilang mga Filipino na tuwinang inilalabas ang mga ‘urn’ ng mga namayapa kapag may pagdiriwang ang pamilya tulad ng mga kaarawan.
“Ang universal policy ng Catholic church na ‘yung cremated remains ay dapat na ilibing. Ibig sabihin ay sealed yung pagkakalibing sa mga columbaries hindi ‘yung pwedeng ilabas kung kailan nila gustong ilabas,” paliwanag ng obispo.
Sinabi ni Bishop David na bagama’t hindi masama ang intensyon ay inirerekomenda ng simbahan na sa halip na ilabas at iuwi ang “urn” tuwing may pagdiriwang ay dalawin ang kanilang mga yumao at manalangin.