203 total views
Hindi kailanman nararapat na maisantabi ang mapayapang pagkakaisa ng mga Filipino upang makamit ng bansa ang demokrasya at kalayaan na ngayon ay hinahangaan sa mundo.
Ito ang payo ni Catholic Bishops Conference of the Philippines Vice President Caloocan Bishop Pablo Virgillo David sa patuloy na pagsusulong ng pagkakaisa ng mga mamamayang Filipino katulad ng EDSA People Power o bloodless revolution 32-taon na ang nakaraan kung saan matagumpay na nakamit ang hangad na kalayaan mula sa mga pang-aabuso at paniniil ng rehimeng Marcos.
Ipinagdarasal ng Obispo na mapapanatili ng mga Filipino ang kultura ng paninindigan para sa tama at mapayapang paraan.
“alam niyo po ito ay isang bagay na dapat ipagmalaki natin sa buong mundo na tayo bilang mga Filipino ay nagtagumpay sa pamamagitan ng mapayapang pamamaraan, ito dapat huwag nating kaliligtaan kasi ito’y regalo din pero isa sa mga regalong tanggap natin ay ang ating pagiging isang malayang bansa at sana huwag natin itong isasantabi, iti-take for granted kasi ang daming ibang mga bansa na na-inspire sa atin dahil sa ating people power revolution panatilihin natin yung tradisyon ng paninindigan sa tama pero sa mapayapang paraan…” pahayag ni Bishop Pablo Virgillo David sa panayam sa Radyo Veritas.
Patuloy rin ang panawagan ng Obispo sa sambayanang Filipino na manindigan sa tama at pagiging matalino sa pakikibahagi sa mga usaping panlipunan tulad na lamang ng usapin ng kasagraduhan ng buhay.
Umaapela rin si Bishop David sa bawat isa na tunay na pagnilayan ang panahon ng Kuwaresma na pag-aalay ng buhay ng bugtong na anak ng Diyos upang matubos ang sangkatauhan mula sa kasalanan.
Kaugnay nito, nakatakdang gunitain ang Maundy Thursday, Good Friday at Black Saturday sa ika-29 hanggang ika-31 ng Marso na susundan naman ng muling pagkabuhay ni Kristo o Easter Sunday sa unang araw ng Abril.