224 total views
Mga Kapanalig, naghain noong nakaraang linggo ng impeachment complaint laban kay Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen sa Kongreso ang organisasyong Filipino League of Advocates for Good Government kasama ang kanilang abogadong si Atty. Larry Gadon. Inendorso ang complaint ni Ilocos Norte Representative Angelo Marcos Barba, pinsan ni dating Senador Bongbong Marcos. Isinampa ito tatlong linggo matapos ibasura ng Korte Suprema, na tumatayong Presidential Electoral Tribunal (o PET), ang petisyon ni Marcos na mag-inhibit si Justice Leonen sa kaniyang election protest noong 2016.[1] May batayan nga kaya ang impeachment complaint na ito laban sa hukom?
Bago pa man inihain ang impeachment complaint, hiniling na rin ng kampo ni Ginoong Marcos ang pag-inhibit ni Justice Leonen. Matatandaang inihain ng natalong kandidato para sa pagkabise-presidente ang kaniyang election protest laban kay Vice President Leni Robredo, at humingi siya ng recount o muling pagbibilang ng mga boto. Matapos ang recount ng PET noong Oktubre 2019, nakitang lumaki pa ng 15,000 boto ang lamang ng nanalong bise-presidente sa tatlong probinsya sa Mindanao. Ngunit matapos ang recount ay sinoportahan ng Office of the Solicitor General ang protesta ni Marcos at sinabing wala sa mandato ng PET at nasa Comelec ang kapangyarihang magsagawa ng special elections sa mga probinsyang nabanggit.[2]
Tatlong bagay ang sinasabing batayan ng pagsasampa ng impeachment complaint kay Justice Leonen. Una, hindi raw siya nakapaglabas ng hatol sa 37 kasong hawak niya sa nakaraang dalawang taon. Pangalawa, matagal raw ang pagresolba niya sa mga nakabinbing kaso bilang House of Representatives Electoral Tribunal. At pangatlo, hindi raw nagpapasa ang hukom ng kaniyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (o SALN) noong siya ay propesor pa sa Unibersidad ng Pilipinas. Ang hindi pagsusumite ng SALN rin ang naging akusasyon kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno noong may naghain ng impeachment complaint laban sa kanya. Tuluyang naalis sa pagiging punong mahistrado si Sereno matapos maghain ng quo warranto petition ni Solicitor General Calida.
Nagiging target na ng mga impeachment complaints ang mga kasapi ng Korte Suprema na nagpapahayag ng pagpuna sa mga hakbang na ginagawa ng kasalukuyang administrasyon, gaya nina dating Chief Justice Sereno at kasalukuyang SC Justice Leonen. Matatandaang kapwa silang tutol sa pagpapalibing sa mga labî ng diktador na si Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Sumalungat din sila sa mga nagsabing naaayon sa Saligang Batas ang pagpapakulong kay Senadora Leila de Lima dahil sa kaugnayan niya diumano sa droga. Noong 2018, tumutol din sina Sereno at Justice Leonen sa pagpapatuloy ng martial law sa Mindanao. Ilan lamang ito sa mga isyung may dissenting opinion ang dalawang hukom.
Nakapagtataka ang paggamit na naman sa SALN upang tanggalin sa puwesto ang isang hukom na hindi dapat asahang laging sumasang-ayon sa kagustuhan ng ibang sangay ng pamahalaan. Ang layunin ng tatlong sangay ng ating pamahalaan—ehekutibo, lehislatibo, at hudikatura—ay ang pagkakaroon ng checks and balances o ang pagbabantay nila sa isa’t isa upang wala sa kanilang umabuso sa kapangyarihan. Mahalaga ito sa isang demokratikong sistema ng pamamahala, na kinikilala naman sa ating mga Catholic social teaching dahil sa pagbibigay nito ng puwang sa pakikilahok ng mga mamamayan sa pamahalaan.[3]
Mga Kapanalig, ang mga hukom na kumikilala sa ating kasaysayan, sa patas na pagtingin ng batas, at sa halaga ng demokrasya ay mga hukom na mahalaga sa demokrasya. Mas kailangan natin sila kaysa sa mga pulitikong hindi tanggap ang kanilang pagkatalo sa isang malayang eleksyon. Sabi nga sa Mateo 7:16, “Makikilala ninyo [ang mga propeta] sa kanilang mga gawa.” Ganito rin sa ating mga hukom at pulitiko—ano ang sinasabi ng kanilang mga gawa sa kanilang pagkatao?