249 total views
Pinaalalahanan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Health Care ang mga mamamayan na balikan ang 4S na payo ng Department of Health upang makaiwas sa pagkakaroon ng Dengue.
Ayon kay Fr. Dan Cancino–executive Secretary ng Commission, kung maisasagawa ito sa lahat ng mga parokya ay malaki ang maitutulong upang mapigilan ang pagdami ng mga kaso ng dengue.
Iminungkahi pa ng pari na simulan ito sa mga Basic Ecclesial Communities, upang maipaunawa ng lubos sa mga ordinaryong mamamayan ang panganib na maidudulot ng dengue at kung paano ito maiiwasan.
“Ang simbahan ay talagang nagpapalaganap ng edukasyon at mga preventive measures. Inaanyayahan natin ang lahat ng mga parokya na manguna sa paglilinis ng kapaligiran at mag-umpisa yon sa mismong paligid ng ating mga parokya, himukin ang komunidad lalong lalo na yung sa mga BEC structures natin na gawin itong regular at preiodic na paglilinis,” bahagi ng pahayag ni Fr. Cancino sa Radyo Veritas.
Ang 4S Strategy ay nangangahulugan ng (1) Search and Destroy o hanapin at sirain ang mga pinamumugaran ng mga lamok, (2) Self Protection measures sa pamamagitan ng pagsusuot ng pantalon at damit na may mahabang manggas at paglalagay ng insect repellant, (3) Seek Early Consultation o ang maagap na pagkonsulta sa doctor sakaling makaramdam ng mga sintomas ng dengur, at ang huli ay (4) Support Fogging lalo na sa mga lugar na idineklara na ang ourbreak sa naturang sakit.
Ang CBCP ECHC kasama ang kanilang partner health care organizations ay nagtungo na sa Western Visayas upang pangunahan ang mga paglilinis sa mga lugar na laganap ang dengue.
“Dahil ang Western Visayas ay dito ang pinaka mataas na incidence rate ng dengue, ang ating partner doctors, health care organizations at community based health care programs natin ay nagpapalaganap ng kaalaman, sila ang nangunguna sa paglilinis at inuumpisahan ito sa areas ng mga parokya,” Dagdag pa ng Pari.
Nagbibigay din dito ng health assistance ang simbahan, lalo na sa mga mahihirap na apektado ng sakit.
Inaasahan namang maglalabas muli ng pahayag ang CBCP ECHC kaugnay sa mga lumalaganap na sakit sa buong bansa.
Sa tala ng DOH Epidemiology Bureau, simula noong Enero hanggang Hunyo ng 2019 ay umaabot na sa mahigit 98-libo ang bilang ng mga kaso ng dengue habang 428 na ang mga namatay.