152 total views
Nagagalak ang Obispo ng Borongan, Eastern Samar sa hangarin ng Pangulong Rodrigo Duterte na mabawi mula sa Estados Unidos ang makasaysayang Balangiga bell na pag-aari ng mga Filipino.
Ayon kay Borongan Bishop Crispin Varquez, mahalaga sa mamamayan ng Eastern Samar na maisoli ang kampana at mailagay sa simbahan kung saan ito nakalagay.
“Good for us that he mentioned the Balangiga bell, it was a part of church property in Eastern Samar. Kaya kung mabawi yan dapat maibalik sa Balangiga. History yan sa aming simbahan. Symbolic ang bell di ba, calling people to go the church and encounter with God,” ayon kay Bishop Varquez.
Sa State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo, hinimok nito ang US na isoli ang kampana ng simbahan matapos ang pagpaslang sa isang komunidad sa Samar noong 1900’s.
Binalikan din ng Pangulo ang Philippine-American war nang mapasok ng mga Filipino ang kampo at mapaslang ang mga Amerikanong sundalo na gumanti naman sa pamamagitan ng pagpatay sa lahat ng batang lalaki na nasa edad 10 taon.
Ang Balangiga bells ay tatlong church bells na kinuha ng United States Army sa bayan ng Balangiga kung saan ang isa ay hawak ng Camp Red Cloud na nakabase sa Korea, habang ang dalawa naman nasa Warren Air Force Base sa Cheyenne, Wyoming.
Unang tinangkang bawiin ng Pilipinas ang mga kampana sa administrasyon ni dating pangulong Fidel Ramos, habang lumiham na rin ang Diocese ng Borongan noong 2005 sa Estados Unidos na ibalik ang mga kampana.
Sa pahayag noon ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sinabing hindi dapat gamitin ang mga kampana ng simbahan bilang mga tropeyo ng digmaan.